BISTADOR Ni RUDY SIM
UMANI ng batikos mula sa netizens ang tila kawalang respeto na ipinakita sa nakaraang unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ng nag-iisang miyembro ng oposisyon na hindi pumalakpak sa introduction sa pangulo.
Nagmistulang poste ng Meralco si Hontiveros na hindi gumalaw habang nakatayo ang lahat na nagbigay-pugay at pumalakpak kay PBBM. Si Hontiveros ay talagang pinanindigan ang pagiging lider ng oposisyon.
Ayon sa netizens, sana’y hindi na lamang ito dumalo sa SONA at nanatili na lamang sa kanyang tahanan kaysa ipakita sa buong mundo ang hindi disiplinadong inasal nito na hindi nakakuha ng suporta sa sambayanan.
Ang kasuotan ni Hontiveros sa kanyang pagdalo ay isang pagpapakita na hindi nito iginalang ang tradisyon bilang isang tunay na Pilipino na may pagmamahal sa inang bayan at kung mayroon mang natuwa sa kanyang ginawa ay maaaring ito ay ang talunang si Atty. Leni Robredo.
Bagamat ang senadora ang inilagay sa komite na may kinalaman sa mga kababaihan sa muling pagbubukas ng Senado at pagsisimula ng trabaho ng mga nanalong senador, ay agad na nabahiran ng maruming pulitika ang pagdalo nito sa kabila ng panawagan ni PBBM na pagkakaisa ng bawat Pilipino.
Matapos ang SONA ay binatikos pa rin nito ang pangulo dahil sa kakulangan umano ng binanggit na mga paraan kung paano lalabanan ng Marcos administration ang korapsyon sa pamahalaan.
Matatandaang ipinasa ni Robredo kay Hontiveros ang ‘bato’ bilang magsisilbing lider at tanging oposisyon na nakapasok sa nagdaang halalan.
Bagamat si Hontiveros ang nagsilawat ng Pastillas scheme ay hindi pa rin maituring na naging patas ito dahil sa patuloy na korapsyon sa Bureau of Immigration sa ilalim ni Morente na tila pinagtakpan.
Kung ating titingnan ang naging pahayag ni PBBM ay mararamdaman ng sambayanan na galing sa kanyang puso na unahin muna ang kapakanan ng maraming Pilipino na makayanan ang presyo ng pangunahing bilihin at kalusugan ng lahat sa kinahaharap pa rin nating paglaban sa pandemya at wala nang lockdown na ipatutupad na siyang nagpabagsak sa ekonomiya sa panahon ni PRRD.
Sa kabila ng pagbatikos ng oposisyon kay PBBM at ‘di maiwasan ang ugali ng ilang kasalukuyan at dating opisyales ng gobyerno na mainggit kay Executive Secretary Atty. Vic Rodriguez, ay hindi nagtagumpay ang mga ito na gibain ang tiwala ng pangulo kay ES Rodriguez.
Napakahalaga sa mga Marcos ang loyalty lalo sa matagal at subok nang paglilingkod ni Rodriguez sa loob ng maraming taon. Ang maagang pag-iintriga laban kay ES ay patunay lamang na maganda ang ipinakikitang katapatan nito na salain ang lahat ng posibleng appointees upang hindi makalusot ang sino mang manok ng sindikato na maaaring magsamantala at magpayaman ng sarili.
(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)
