MAS malaking bilang ng mga Pilipino ang nagtitiwala pa rin sa United States ngunit hindi sa China, ayon sa ginawang pag-aaral ng Pulse Asia na inilabas nitong Biyernes.
Lumitaw sa survey na 89 porsiyento ng mga Pilipino ang nagsabing nagtitiwala sila sa US, 31 porsyento sa mga ito ang nagsabing ang Pilipinas ay dapat magbigay ng “malaking tiwala,” habang 58 porsiyento ang nagsabi na ang dating mananakop ay dapat bigyan ng “fair amount of trust”.
Nasa 11 porsiyento naman ng mga sumagot ang nagsasabing hindi sila nagtitiwala sa Estados Unidos.
Sa kabaligtaran, 67 porsiyento ng 1,200 respondents ng survey ang nagsabi na hindi dapat pagkatiwalaan bang husto ng mga Pilipino ang China (38%) habang 31 porsyento ang nagsasabing huwag na talagang pagkatiwalaan ang China.
Ang survey, na isinagawa mula Hunyo 24 hanggang 27, ay nagpakita na 33 porsyento lamang ng mga Pilipino ang nagtitiwala sa China.
Noong 2016, nakuha ng Pilipinas ang arbitral tribunal award na nagbasura sa mga claim ng Beijing sa West Philippine Sea.
Gayunpaman, hindi pa rin ito kinikilala ng China, katunayan, maraming paglusob ng pwersang Tsino ang isinagawa sa karagatan ng Pilipinas mula noon gamit ang alibi na ‘Innocent passage’.
Subalit ngayon, pinanindigan na ng China ang pananatili ng kanilang mga sea vessel sa bahagi ng West Philippine sea partikular sa mga lugar na may pinag-aagawang teritoryo.
Tumanggi rin si dating Pangulong Rodrigo Duterte na pilitin ang China na sundin ang desisyon ng arbitral award habang hinahabol niya ang mga pamumuhunan at pautang mula sa economic superpower. (JESSE KABEL)
223 