DAPAT nang gawing disaster proof ang mga itatayong imprastraktura sa bansa.
Ito’y upang matiyak na matatag ang mga imprastrakturang itatayo sa hinaharap.
Ani Pangulong Marcos, importanteng maging disaster proof na ang mga bagong gagawing kalye at iba pang gusali gaya ng ospital maging ng mga bahay.
Kasama rin aniya rito ang heritage sites.
Sa kabilang dako, sinabi ng Pangulo na kailangang ma-restore ang mga makasaysayang istruktura na winasak ng nagdaang 7 magnitude quake na yumanig sa Ilocos region at CAR.
Kabilang dito ang cathedral sa Vigan, ang kalye Crisologo at ang bantay bell tower sa Ilocos Sur.
Napinsala rin aniya ang 19th-century Sta. Catalina de Alexandria Church sa Abra gayundin ang San Lorenzo Ruiz Shrine.
Ospital, paaralan
iinspeksyunin
Kaugnay nito, ipinag-utos ni Pangulong Marcos Jr. sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na iprayoridad ang agarang assessment sa mga eskuwelahan at ospital kasunod ng lindol sa Abra at kalapit-lalawigan sa Northern Luzon, noong nakaraang Miyerkoles.
Sinabi ni DPWH Secretary Manuel Bonoan na inatasan ng Pangulo ang departamento na inspeksyunin ang mga eskwelahan at mga ospital para sa anomang pinsala dahil sa malakas na paglindol na maaaring maglagay sa panganib sa mga estudyante, guro at mga pasyente at healthcare workers.
“Pina-pa-assess ni Presidente yung other public buildings including school buildings, hospitals. Together with local government units (LGUs) and Department of Education (DepEd), nakikipagtulungan kami sa assessment ng mga damages sa mga eskuwelahan lalo na malapit na ang pasukan,” ayon kay Bonoan.
Nakatakdang magbukas ang klase para sa taong 2022-2023 sa darating na Agosto 22.
Sa kasalukuyan, sinabi ni Bonoan na dalawang ospital sa Abra ang ipinagbabawal sa publiko.
Aniya, nakipag-ugnayan na ang DPWH sa National Historical Commission of the Philippines (NHCP) sa rehabilitation at restoration efforts ng historical sites at structures damaged ng malakas na paglindol.
Samantala, sinabi ni Bonoan na patuloy ang clearing operations ang DPWH Quick Response Teams at muling binuksan ang natitirang dalawang national roads na isinara dahil sa trapiko.
“As of 8 a.m., yung sa 21 national road sections, yung national primary at saka national secondary roads dito sa Cordillera at saka sa Region 1, dalawa na lang ang kinukumpuni namin. Eto yung Tagudin-Cervantes Road at dito sa magmula sa Ilocos Sur papunta ng Abra at saka dito naman sa Baguio-Bontoc Road,” aniya pa rin. (CHRISTIAN DALE)
464