TULOY ANG BUHAY KAHIT WALANG ICC

SA ilalim ng umiiral na Saligang Batas, may tatlong sangay ang pamahalaan – ang ­ehekutibo, lehislatura at ang hudikatura.

Ang bawat sangay, may kanya-kanyang mandato. Pagpapatupad ng mga programa at proyekto ng pamahalaan ang nakaatang sa ­sangay ng ehekutibong pinamumunuan ng halal na pangulo, habang pagbalangkas at pag-amyenda naman ng mga batas na angkop sa panahon ang mandato ng lehislaturang kinabibilangan ng Senado at Kamara.

Obligasyon naman ng hudikatura ang ­tiyaking umiiral ang hustisya kesehodang pobre o may kaya.

Malinaw na pinag-isipang maigi ang istruktura ng gobyerno. Sa nakalipas na panahon, payak ang pamumuhay ng mga Pilipino – hanggang sa nakialam ang mga dayuhan. Dito na tayo nagkagulo.

Ang totoo, malaya ang mga Pilipino. May sarili naman tayong gobyerno, kongreso at husgado. Pero sa hindi inaasahang pagkakataon, may nakialam sa usaping para lang sa ating mga Pilipino.

‘Yan ang International Criminal Court na pilit tayong inilalagay sa kahihiyan sa buong mundo.

Giit ng ICC, saklaw nila tayo, sa kabila ng pagkalas ng ating gobyerno. Anila, dapat panagutin ang nagdaang pangulo dahil sa pagpanaw ng hindi bababa sa 6,000 katao sa inilunsad na giyera kontra droga.

Sa isang banda, karapatan ng mga naulila ng mga napaslang sa naturang mga panahon na dumulog sa husgado sa hangaring makamit ang asam-asam na hustisya.

Ang masaklap, may nakisawsaw sukdulang pagmukhaing inutil ang ating hudikatura. Kung tutuusin, walang pakialam ang ICC sa usapin ng naturang mga kaso lalo pa’t nananatiling epektibo pa rin naman ang ating mga husgado.

Sa ipinamamalas na kulit ng ICC, parang may mali. Ano ba talaga ang adyenda nila sa ­ating bansa?

Nakalulungkot isiping lubhang mababa ang tingin sa atin ng ICC. Dangan naman kasi, para sa kanila ang mga korte natin ay walang silbi.

Dapat sigurong ipaalala sa ICC na mayroon tayong sariling husgado. Dapat din sigurong ipamulat sa kanila na malaya tayo. Higit sa lahat dapat ipabatid sa kanila na ayaw natin sa mga pakialamero.

Buntot natin, hila natin.

142

Related posts

Leave a Comment