PAGKONTROL SA E-CIGARETTES, GAWING NATIONWIDE!!

POINT OF VIEW

Nagkaroon na ng ordinansa ang lokal na pamahalaan ng Quezon City para kontrolin ang paggamit ng electronic cigarette (e-cigs) o mas kilala sa tawag na vape sa lungsod na siyang ginagamit ng nakakarami bilang altenatibo sa tradis­yonal na sigarilyo matapos nilang tumigil sa nasabing bisyo o yaong mga nagsisimula pa lamang magyosi  dahil sa dala nitong mga sakit partikular ang cancer.

Ang inilabas na City Ordinance 27-37-2018 ay nagbabawal sa vaping sa ilang lugar tulad sa mga simbahan, hospital, health centers, pampublikong sasakyan, tanggapan ng gob­yerno, at mga educational, at recreational facilities na para sa mga minors. Ibina­wal din ang pagbebenta ng e-cigaretes sa mga minors.

Maganda ito at sana hindi lang sa Quezon City ipatupad ang ganitong hakbangin kundi sa buong bansa dahil sa dala nitong panganib sa kapaligiran at kalusugan ng tao.

Kasi tila inaabuso na rin ang paggamit nito, dahil ang mga vapers, lalo na ang mga kabataan, wala nang pinipiling lugar sa kanilang vaping session o ang pagpapausok at hindi na nila iniisip ang kapakanan ng iba.

Nakikita rin natin ang mga kabataang nasa edad lamang na 14 hanggang 17 anyos ay may mga bitbit na e-cigs na tila ginagamit na  status symbol ang vape at nagpapabida sa harap ng kanilang mga barkada kaya panay ang pabuga kahit may mga bata na nasa paligid.

Bagaman sinasabing mas kaunti ang carcinogen sa usok ng e-cigarette kumpara sa usok na ibinubuga ng tabako, naka­pagdudulot ang e-cigarette ng mas mataas na tsansang magkaroon ng kanser sa baga at pantog, at sakit sa puso kumpara sa mga taong hindi naninigarilyo, ayon sa isinagawang pag-aaral ng mga eksperto.

Ang carcinogen ay isang substance na nagdudulot ng kanser.

Maaaring umanong pataasin ng vaping ang panganib ng pagkakaroon ng cancer dahil nagdudulot ang paggamit ng electronic cigarette ng pagkasira ng DNA o deoxyribonucleic acid kahit na mas kaunti kaysa sa usok ng tabako ang carcinogen na taglay nito.

Maging ang Department of Health noong nakaraang taon ay nagbabala hinggil sa e-cigarettes dahil sa mga delikadong kemikal na nilalaman nito.

Kaya mahalaga talaga na kontrolin ang paggamit nito tulad ng regular na siga­rilyo dahil bagama’t sinasabi nila na kaunti lang ang taglay nitong carcinogen naroon pa rin ang banta sa pagkakaroon ng  cancer o tinatawag na nating “Big C.” (Point of View / NEOLITA R. DE LEON)

145

Related posts

Leave a Comment