MALAWAKANG BALASAHAN SA PNP, ITINIMBRE! AT CMG, MAY PANIBAGONG ABANDONED CONTAINERS

RAPIDO Ni PATRICK TULFO

ISANG malawakang balasahan ang ipinatutupad sa hanay ng Philippine National Police (PNP) ngayon matapos maupo si Lt. Gen. Rodolfo Azurin Jr. Ayon sa aking source, ngayon lang nangyari na lahat ng nakapuwesto ay pinalitan.

Hindi naman daw bago na magkaroon ng balasahan sa hanay ng PNP kapag nagpapalit ng liderato at inaasahan na magkakaroon ng paggalaw sa key positions, pero ikinagulat daw ng ilan ang malawakang balasahan na kung saan ang ilang mga heneral ay mistulang na-demote sa pwesto!

Komento pa nga ng ilang kasamahan sa hanapbuhay, mas maigi pang magretiro na lang nang maaga ang mga na-demote para sa kanilang amor propio.

Sa pagtatapos ng usapan namin ng aking source, sinabi nito na karamihan ng mga napalitan sa pwesto ay ‘yung mga iniupo pa ng isang maimpluwensyang politiko noong nakaraang administrasyon.

***

May panibagong cargo containers na naman ang inabandona ng CMG, ‘yan ay kinumpirma mismo ni MICP District Collector Romeo Rosales sa inyong lingkod.

Ayon sa District Collector, hindi na naman kinumpleto ng CMG ang mga bayarin para mai-release ang anim na cargo containers at nag-lapse na ang palugit para mai-settle ito.

Samantala, sa aking pakiki­pag-usap sa presidente ng Door-to-Door Consolidators Association of the Philippines (DDCAP) na si Joel Longares, sinabi nito na hindi na biro ang ginagawang pag-aabandona ng CMG sa mga kargamentong ipinapadala nito dahil marami na ang naabala.

Ginawa nitong halimbawa ang pitong CMG cargo ­containers na kalalabas lang mula sa MICP compound na dinala sa warehouse sa Gerona, Tarlac at hindi pa rin naide-deliver sa lahat ng recipients magpasa hanggang ngayon.

Ipinatawag daw muli ang DDCAP president ng Bureau of Customs para tulungan sila sa mga bagong inabandonang cargo containers.

At dahil sa tila paulit-ulit na gawain ng CMG na mag-abandona ng mga padala, nakipag-ugnayan na ang inyong lingkod sa opisina ni Department Of Migrant Workers Sec. Susan Ople upang masawata na ang gawaing ito.

Mayroon nang pagpu­pulong na gagawin ang ­stakeholders na tinatamaan sa pangyayaring ito tulad ng DMW, BOC, DDCAP at maging ang aming program upang ­pag-usapan ang mga ­hakbangin para masolusyon ang problema at panagutin ang mga gumagawa nito. ABANGAN…

132

Related posts

Leave a Comment