PAGLAGANAP NG ILLEGAL NUMBER GAMES SA MINDORO PINAIIMBESTIGAHAN SA PNP

DAPAT imbestigahan ng pulisya ang illegal number game na Peryahan ng Bayan (PnB) na pinatatakbo ng ilang tiwaling indibidwal sa Calapan City, Oriental Mindoro.
Ito ay dahil namamayagpag umano ang naturang sugal sa kabila ng malinaw na kautusan mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na bawal ito at isinangguni na sa lokal na sangay ng Philippine National Police (PNP).

Nito lang buwan, nagpadala ng sulat ang PCSO kina P/BGen. Sidney Hernia, Regional Director of Police Regional Office IV-B MIMAROPA, P/Maj. Israel Cisco Magnaye, Battalion Commander of PNP Regional Mobile Force Battalion 40 ng Oriental Mindoro, at P/Col Anthony Ramos, chief of police ng Calapan City Police para humingi ng ayuda sa pagsawata sa ilegal na operasyon ng PnB sa pitong bayan ng lalawigan.

Ang sulat ay nilagdaan ni Augusto Tordillas, branch manager ng PCSO sa Oriental Mindoro. Batay sa sulat, nagpapatulong ang ahensya sa lokal na kapulisan para ipatupad ang pagsuspinde sa kautusan ng Office of the President, na pigilan ang mga tiwaling indibidwal at grupo na patakbuhin ang mga PnB sa siyudad ng Calapan.

Sa paghingi ng asiste sa kapulisan, ipinaliwanag ng PCSO na ayon sa isang memorandum na inilabas ng Department of Interior and Local Government (DILG) noong Abril 22, 2022, inatasan ang PNP para makipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan ng mga lalawigan at i-monitor ang operasyon ng PnB, kasama na ang pagsuspinde sa illegal na sugal.

Pero kahit na opisyal na sumulat na ang PCSO, wala pa rin umanong ginawang hakbang ang lokal na kapulisan para pigilin ang operasyon ng mga PnB, na hindi nagbabayad ng buwis sa gobyerno.
Ang small town lottery o STL ang nag-iisang otorisado ng PCSO para magpatakbo ng number game sa buong bansa.

Tinawag na rin ng PCSO ang atensyon ni Mindoro Governor Humerlito Dolor para ipaliwanag na ang pamahalaang nasyonal lang ang may kapangyarihan na magbigay ng permiso at lisensiya para mag-operate ng mga legal na pasugalan.

Pero idiniin ng PCSO na ang kapangyarihan ng mga lokal na pamahalaan para magbigay ng prangkisa sa mga pasugalan ay tinanggal at naipatupad na ayon sa Presidential Decree 711, at ibinigay lamang ang eksklusibong awtoridad nito sa pamahalaan nasyonal.

Malaking tulong ang naibibigay na buwis ng mga legal na STL sa mahihirap samantalang ang ilang gahaman na opisyal ng lokal na pamahalaan ay nasa bulsa ng mga iligal na operator ng pasugalan.

297

Related posts

Leave a Comment