IMINUNGKAHI ng Department of Health na hintayin munang marating ng Pilipinas ang ‘endemic stage’ sa COVID-19 pandemic bago tuluyan tanggalin ang “facemask policy”.
Sa panukala ni DoH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire, kailangan munang maging ‘stable’ ang mga kaso ng COVID-19 sa bansa bago ang panukala na gawing boluntaryo ang pagsusuot ng face mask sa mga pampublikong lugar.
Nangangahulugan ang ‘endemic’ sa medikal na terminolohiya na ang antas ng virus sa isang lokasyon ay nagiging ‘stable’ na at hindi na nagdudulot ng malalaking ‘outbreaks’.
Sa ngayon, nilinaw ni Vergeire na hindi pa maituturing na nasa ‘endemic stage’ ang Pilipinas ngunit nakikitaan na ng unti-unting pagtungo dito.
Ito ay dahil bumababa na ang ‘severe at critical cases’ sa bansa ngunit kakailanganin pang mapataas ang antas ng mga nagpapabakuna lalo na sa booster shot.
Binigyang-diin pa ng opisyal na may mga patunay na rin na nagpapakita na bumababa ang immunity ng populasyon kaya’t kailangan ng dagdag na proteksyon.
Una nang naglabas ng executive order si Cebu City Mayor Michael Rama para sa ‘non-obligatory use’ ng face mask sa mga outdoor at open spaces ngunit kinontra ito ng Department of Interior and Local Government (DILG). (RENE CRISOSTOMO)
210