Babala ni Cong. Dan Fernandez MAG-INGAT SA PEKENG AESTHETIC AT DERMA TRAINING CENTERS

NAGBABALA sa publiko si Sta. Rosa lone district Rep. Dan S. Fernandez na mag-ingat sa mga nagsusulputang pekeng aesthetic at derma training center sa bansa dahil malaking panganib ito kalusugan ng publiko.

Ayon kay Fernandez, chairman ng House Committee on Public Order and Safety, dapat ay higit pang paigtingin ng mga awtoridad ang kanilang kampanya upang masawata ang ganitong uri ng sindikato na walang ibang tanging hangad kundi lokohin ang publiko, kumita lamang ng limpak-limpak na halaga ng salapi.

Ang pahayag ni Fernandez ay ipinalabas matapos arestuhin ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang nagngangalang Wenie Garupa Argonza, 38, na operator ng Argonza Aesthetic and Dermal-Pigmentation Academy.

Sinabi ng mambabatas na nakababahala ang ganitong uri ng illegal na operasyon dahil bukod sa naloloko ng malaking pera ang mga biktima, nalalagay rin sa panganib ang publikong walang ibang gusto kundi magpaganda o magpakinis ng kutis.

“The Professional Regulations Commission and the Department of Health should be made aware of this NBI discovery,” ani Fernandez sa isang pahayag.

“What I found out from the NBI reports is quite shocking. How can a person without any professional license or background be allowed to teach and demand over P100,000 in fees to train students on medically-sensitive aesthetics and dermatological procedures?” sabi pa ng mambabatas.

Bago naging kongresista ay dating artista si Fernandez kaya marami itong kilalang personalidad na nahihilig magpunta sa mga aesthetic at derma clinic para magpaganda. “Tinatawagan ko na rin ang mga kasamahan kong artista na mag-ingat sa ganitong uri ng clinic,” sabi pa nito.

Kasabay nito, sinabi ni Fernandez na ngayon ang panahon upang lahat ng samahan o iba’t ibang medical group ay magkaisa para kondenahin ang ilegal na operasyon ng mga pekeng derma clinic na katulad ng Argonza’s training center.

Naniniwala ang mambabatas na maaaring ang mga nagsipagtapos sa Argonza clinic ay nagpapanggap na ring mga derma and aesthetic experts, gayung ang kanilang pinanggalingang pagsasanay ay isang huwad, peke at walang papel – bagay na delikado para sa kanilang mga parokyano.

“Maraming dermatological methods ang halos katulad na rin ng medical procedures na dapat dalubhasang doktor lamang ang gumagawa. Dapat alamin kung pinasukan na rin ni Ms. Argonza ang ganitong operasyon,” wika pa ni Fernandez.

Nabatid na sinusuri nang maigi ng NBI ang nakuha nilang video kung saan ay ina-administer ni Argonza ang isang mesotherapy at lipodissolve injections na mga lisensyadong medical specialists lamang ang dapat gumawa.

Umaasa ang kongresista na higit na magiging vigilante ang medical community at iba pang lisensyadong commercial aesthetic clinics upang sila mismo ang magsumbong ng mga may ganitong uri ng modus-operandi.

Sa inihaing resolusyon sa Metropolitan Trial Court of Makati City, sinabi ni Asst. City Prosecutor Cherrylin N. Go Ortiz na may ‘probable cause’ upang kasuhan si Argonza ng paglabag sa Section 68 at may kinalaman din sa Section 28 ng Education Act of 1982.

“The allegations of public complainants are clear and categorical that Argonza was engaged in giving lectures, hand-on exercises and training on how to perform hydrafacial, oxy facial, dermabrasion, chemical peeling and the use of Hifu machine without being registered with the Unified TVET Program Registration and Accreditation System (UTPRAS) of TESDA (Technical Education and Skills Development Authority,” ani Go-Ortiz.

Si Argonza ay inaresto ng NBI habang nasa aktong tinatanggap ang P100,000 mula sa poseur agent na nagpanggap na mag-e-enroll sa pekeng training school kung saan isang araw lang umano ay ‘graduate’ na ang kanilang estudyante.

323

Related posts

Leave a Comment