CAVITE – Tatlo ang sugatan, anim na sasakyan at ilang kabahayan ang nasira makarang sumabog ang mga lumang paputok sa isang bahay sa Imus City, noong Biyernes ng umaga.
Isinugod sa Our Lady of Pilar Medical Center ang mga biktimang sina Marylyne Ochoa y Garcia, 56, at Alaisa Marie Ochoa y Garcia, 28, habang sa Medical Center Imus naman isinugod si Jay Arvin Ochoa y Garcia, dahil sa mga sugat sa kanilang katawan.
Masuwerte naman na hindi nasugatan ang iba pang mga miyembro ng pamilya na sina Agapito Ochoa y Tabing, 75, at Aldrin Ochoa y Garcia sa kabila na naroon din sa lugar.
Ilang sasakyan naman ang nasira habang nakaparada malapit sa lugar kabilang ang isang Toyota Jeep na may plakang DKD 389, isang gray na Hyundai Accent (UXO 921), isang puting Toyota Hilux 4×4 GR-S (NFJ 7931), isang Toyota Super Grandia Hiace Elite (DAQ 6072), isang metallic aqua na Toyota Avanza (ZTS 189), at isang kulay champagne na Toyota Avanza 1.3 J (PQW 758).
Ilang bahay rin ang nasira ang bubong, kisame at mga bintana dahil sa pagsabog.
Ayon sa ulat ni P/SMS Luis Divina ng Imus City Police, dakong alas-7:30 kahapon ng umaga nang mangyari ang pagsabog sa isang bahay sa #103 Cristorey Street corner Holiday Avenue, Holiday Village, Brgy. Bayan Luma 4, Imus City, Cavite.
Mabilis namang nagresponde ang Imus CPS, Imus City Disaster Management Office, Bureau of Fire Protection at Cavite Provincial Explosive Unit at Cavite Provincial Forensic sa lugar.
Ayon sa imbestigasyon, mga lumang paputok na nakaimbak sa isang bahay ang pinagmulan ng pagsabog. (SIGFRED ADSUARA)
367
