Kapag bumigay ang Bustom Dam DELUBYO SA BULACAN PINANGANGAMBAHAN

LIBU-LIBO katao ang pinangangambahang magbuwis ng buhay, habang 80 barangay at mahigit sa 15 ektaryang sakahan ang mapipinsala at malulubog sa baha sa Bulacan sa oras na tuluyang bumigay ang depektibong rubber gates ng Angat Afterbay Regulation Dam o Bustos Dam.

Kaugnay nito, nagbigay ng ultimatum si Governor Daniel Fernando ng 10-araw sa mga kontratista ng nasirang rubber bladder ng Bustos Dam upang aksyunan ang kanyang demand letter at kung hindi ay sasampahan niya ang mga ito ng kasong sibil at kriminal.

“We must act now. We demand the immediate removal and replacement of all six gates under the contract for Bustos Dam. Kapag hindi, I will not hesitate to file civil and criminal cases sa lahat ng kasangkot sa usaping ito,” ayon sa gobernador sa kanyang privilege speech sa regular session ng Sangguniang Panlalawigan (SP) sa Benigno Aquino Sr. Session Hall ng kapitolyo sa Lungsod ng Malolos noong Huwebes.

Kasabay nito, inatasan niya ang mga miyembro ng SP sa pangunguna ng kanilang Presiding Officer at Bise Gob. Alexis Castro, na magsagawa ng imbestigasyon patungkol sa nasabing usapin.

Ito ay matapos na mabigo ang ITP Construction, Inc. at Guangxi Hydroelectric Construction Bureau Co. Ltd. na ayusin ang sirang rubber bladder sa Bay 5 ng Bustos Dam, isang taon lamang matapos ang rehabilitasyon nito at habang nasa ilalim pa ng warranty ang kontrata.

Sinabi ng gobernador, hindi pinapansin ng mga kontratista ang hindi mabilang na follow-up at demand letter na ipinadala sa kanila ng National Irrigation Administration (NIA) sa pakikipag-ugnayan sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan.

Tinawag din ni Fernando ang atensyon ng NIA upang akuin ang responsibilidad sa pagkakaantala ng pagsasaayos ng nasirang rubber gate.

Aniya, delubyo sa mga Bulakenyo ang magiging resulta sakaling hindi maagapan at tuluyang masira o bumigay ang lahat ng rubber bladder ng dam.

Nabatid na libu-libong buhay ang posibleng mabuwis at nasa 15,706 ektaryang taniman ng palay at gulay ng 12,904 magsasaka ang masisira, at tinatayang ang pinsala ay aabot sa P880,964,445 hanggang P2,690,255,147 sa sektor ng agrikultura. Aabot naman sa 80 barangay mula sa dalawang lalawigan ang maaapektuhan ng pinsala sakaling tuluyang bumigay ang Bustos Dam.

 

Magugunitang noong Hunyo 2020, bumigay ang rubber gate sa Bay 5 ng Bustos Dam na hinihinalang dahil sa mababang kalidad ng mga materyales na ginamit ng mga kontratista sa rehabilitasyon ng nasabing dam. Dito rin napatunayan na ang mga ginamit na materyales ay pawang mga depektibo. (ELOISA SILVERIO)

254

Related posts

Leave a Comment