PERSONAL na nakiramay si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr. sa pamilya ng limang rescuers sa Bulacan na namatay sa kasagsagan ng bagyong ‘Karding’ kung saan sinabi nito kay Governor Daniel Fernando na susuportahan nito ang pagkakaroon ng tiyak na benepisyo, sahod at kaligtasan ng rescuers sa pamamagitan ng pagsusulong ng Magna Carta for Rescue Workers.
NANAWAGAN ang Office of the Civil Defense (OCD) sa Kongreso na magkaroon ng Magna Carta for Rescue Workers upang ganap na mapangalagaan ang kapakanan ng mga rescuer at matiyak ang naaangkop na sahod at benepisyo sa mga ito.
Suportado rin ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr. ang nasabing pagsusulong ng panukala dahil naniniwala ang kalihim na lalong maiaangat nito ang antas ng kasanayan ng mga provincial, city at municipal DRRMs.
Sa mensahe ni Undersecretary Raymundo Ferrer, administrator ng Office of the Civil Defense (OCD), sa kanyang pakikiramay sa mga pamilya ng nasawing rescuers na sina Narciso Calayag Jr., Troy Justine Agustin, George Agustin, Marby Bartolome at Jerson Lopez Resureccion sa Bulacan Capitol Gymnasium sa lungsod ng Malolos, Bulacan, panahon na para bigyan ng maayos na pagkalinga ang rescuers.
Matatandaan nasawi ang limang Bulacan PDRRMO rescuers habang ginagampanan ang kanilang tungkulin.
Ani Ferrer, ito ang dapat na magiging katambal ng panukalang pagtatatag ng isang Department of Disaster Resilient upang ganap na maging moderno at mas malakas ang National Disaster Risk Reduction Management Office (NDRRMO) ng Pilipinas.
Bumisita at nakiramay rin si Sec. Abalos at sinabi nito na hihilingin niya sa Kongreso na maamyendahan ang umiiral na National Building Code na akma sa tindi ng mga bagyo ngayon dahil sa Climate Change.
Bagama’t nangyari itong trahedya sa limang Bulakenyong rescuers, kinikilala naman ng kalihim ang epektibong preemptive response ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan na maging mababa ang bilang ng mga karaniwang mamamayan na namatay dahil sa bagyo.
Ilan sa mga naitalang tulong sa mga namatayan ang tig-P500 libo mula Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at tig-P200K mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan.
Ang Filipino-Chinese na si Willi Keng, chairman ng Century Peak Holding Corp. ay nagbigay rin ng tig-P200K at scholarship grant sa bawat pamilya ng mga biktima.
Bukod pa rito ang abuloy mula sa iba’t ibang tanggapan ng mga kinatawan at senador sa Mababa at Mataas na Kapulungan ng Kongreso ng Pilipinas.
Inihatid naman ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Erwin Tulfo ang tulong pinansyal na ipinadala ni Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos Jr. Sinabi ng kalihim na hayaang maging pribado ang tulong na ibinigay sa direktiba na rin ng pangulo.
Sa pamamagitan ng OCD, nagkaloob ang NDRRMO ng tig-P10 libo sa kada isang pamilya na namatayan.
Kabilang lamang ito sa maraming tulong na bumuhos mula sa pamahalaang nasyonal, lokal at iba’t ibang sektor.
Samantala, sinabi ni Gobernador Daniel R. Fernando na panahon na upang higit na seryosohin ang pangangalaga sa kalikasan.
Base sa inisyal na ulat ng PDRRMO, itinuturong dahilan ng pagkamatay ng limang mga rescuers ang nangyaring flash flood habang nagsasagawa ng rescue operation sa kasagsagan ng bagyo.
Tinawagan din ng pansin ng gobernador ang National Irrigation Administration (NIA) upang malagyan ng check gate ang bagong tayong Bulo Dam sa Doña Remedios Trinidad at makumpuni ang nasirang rubber gate ng Bustos Dam. Ito’y upang maging matatag ang pagpigil sa pagragasa ng tubig kapag tumama ang isang malakas na bagyo. (ELOISA SILVERIO)
328 