Hinarang mga mga tauhan ng Tiaong Police nitong Huwebes ng umaga ang 11 kataong grupo ng mga magsasaka na tutungo sa tanggapan ng Department of Agriculture sa Quezon City para dumalo sa isang dayalogo kasama ang ahensya.
Kabilang sa mga hinarang ay ang lider-magsasaka at tagapagsalita ng PIGLAS Quezon at CLAIM Quezon na si Felizardo “Sarding” Repaso.
Ayon kay Orly Marcellana, ang secretary general ng Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan, mula sa Lucena ay umalis ang gupo sakay ng isang van subalit pagdating sa bayan ng Candelaria ay hinarang ang mga ito sa isang PNP checkpoint at hinahanapan ng vaccination card ng mga pulis.
Subalit sa hindi malamang dahilan ay pinatakbo ng driver ang van kaya naharang muli ang mga ito sa bayan ng Tiaong.
Nasa apat na oras ding pinigil ang mga ito sa Tiaong Police Station kung saan dumating pa ang mga tauhan ng 59th Infantry Battalion ng Philippine Army na sakay ng isang military truck.
Sinisisi naman ng grupo ang driver ng van na umano ay tila gustong ipahamak ang kanyang mga sakay.
Makaraan ang ang halos 4 na oras, nakaalis ang mga magsasaka na nag-commute na lamang patungo sa tanggapan ng DA matapos pigilin ng mga pulis ang driver at ang van.
Pero ayon sa grupo, bahagi ito ng pangha-harass ng PNP at military sa kanila.
Ayon sa Karapatan Southern Tagalog, si Repaso ay matagal nang nakararanas ng pagbabanta, harassment, intimidasyon at red-tagging ng mga ahente ng pamahalaan.
Ang grupo ay pakikipagdayalogo sa tanggapan ng DA upang idaing ang mga kahirapang dinaranas ng mga magsasaka dahil sa patuloy na pagbagsak ng presyo sa merkado ng kanilang mga aning produkto partikular ang kopra at palay. (NILOU DEL CARMEN)
