MOUNTAIN PROVINCE – ‘Passable’ na nitong Biyernes ang bahagi ng kalsada sa bayan ng Bauko sa lalawigang ito, na naapektuhan ng landslide noong Huwebes.
Ayon sa LGU ng Bauko, alas-6:30 ng umaga nitong Biyernes ay nabuksan na ang highway matapos maalis ang gumuhong mga bato at lupa.
Noong Huwebes dakong alas-3:00 ng hapon nang gumuho ang isang bahagi ng bundok sa Sitio Ampingke, Barangay Leseb dakong alas-3:00 ng hapon.
Nakuhanan ng isang netizen ang pagguho ng nasabing bundok.
Ayon sa Bauko PNP, simula nang maranasan ang 7-magnitude na lindol noong Hulyo, nagkaroon na ng mga pagguho sa bahaging iyon ng bundok, at pinalala pa ito ng naranasang mga pag-uulan sa nakaraang mga araw.
Hindi kaagad nakapagsagawa ng clearing operation noong Huwebes ng gabi ang mga tauhan ng Engineering Office dahil delikado pa rin sa lugar.
Dahil kahit may mga equipment na nakahanda sa lugar, kinailangan munang palipasin ang gabi dahil may banta pa rin ng landslide. (NILOU DEL CARMEN)
