SEGURIDAD SA 4 SEMENTERYO SA MAYNILA HINIGPITAN NG MPD

MAHIGPIT na ipinatutupad ng Manila Police District ang seguridad sa apat na sementeryo, kabilang ang pinakamalaking sementeryo sa buong bansa, ang Manila North Cemetery sa Blumentritt, Sta. Cruz, Manila.

Muling pinangunahan ni MPD Director, Brigadier General Andre Perez Dizon ang paglilibot sa Manila North Cemetery gamit ang bisikleta.

Kasama sa mga naglibot ang buong team ng Special Weapon and Tactics (SWAT), at mga miyembro ng Sta. Cruz Police Station, sa pangunguna ni Police Lieutenant Colonel Ramon Czar Solas, station commander.

Sa Manila South Cemetery, nakaantabay ang mga tauhan ng MPD-Sta. Ana Police Station, sa pangunguna ni P/Lieutenant Colonel Orlando Mirando Jr., kasama ang mga tauhan ng Malate Police Station, sa pangunguna ni P/Lieutenant Colonel Salvador Tangdol at mga tauhan ng Ermita Police Station 5, sa pangunguna ni P/Lieutenant Colonel Leandro Gutierrez.

Maging sa mga pantalan, mahigpit din ang pagbabantay ng mga tauhan ni P/Lieutenant Colonel Rodel Borbe ng Baseco Police Station, kasama ang mga tauhan ng Delpan Police Station, sa pangunguna ni Police Lieutenant Colonel Restituto Acohon.

Sa La Loma Cemetery, mahigpit ang pagbabantay ng mga tauhan ni P/Lieutenant Colonel Jonathan Villamor ng Jose Abad Santos Police Station, kasama ang mga tauhan ni P/Lieutenant Colonel Harry Ruiz Lorenzo III, ng Moriones Police Station 2, at mga tauhan ng MPD, sa pangunguna ni P/Lieutenant Colonel Rosalino Ibay Jr.

Habang sa Chinese Cemetery naman ay nakabantay para sa seguridad ang mga tauhan ni P/Lieutenant Colonel Rexson Layug ng Binondo Police Station 11, at ilan pang mga tauhan ng MPD.

Palagi ring ipinapaalala ni General Dizon na mahigpit na ipinagbabawal na pumasok sa mga sementeryo ang mga may edad 12-anyos pababa at kung 13-anyos naman pataas ay kailangang may ipakikitang vaccination card.

Sa entrance pa lamang ay hindi na pinapasok ang mga batang walang vaccination card at mga nais maghabol para maglinis.

Kinumpiska rin ang ilang mga ipinagbabawal na kagamitan tulad ng lighter, flammable materials, sigarilyo, gamit panlinis at iba pa.

Sa pag-iikot sa Manila North Cemetery ni General Dizon, dumating si PNP Chief General Rodolfo Azurin Jr. para naman mag-inspeksyon.

Nabatid kay Azurin, kuntento umano ito sa inilatag na paghahanda ng pamunuan ng MPD at ng nasabing sementeryo, habang maayos naman ang paghihigpit na isinasagawa ng mga tauhan ng NCRPO. (RENE CRISOSTOMO)

373

Related posts

Leave a Comment