AKSYON NI CASTILLON Ni ATTY. DAVID CASTILLON
MARAMING OFWs ang lubos na nahihirapan sapagkat hindi nila malaman kung saan sila pupunta para humingi ng tulong patungkol sa kanilang mga problema na kinakaharap. May mga pagkakataon na ang isang OFW ay nagtatrabaho sa ibang bansa subalit hindi legal ang kanilang mga papeles dahil sila ay biktima ng illegal recruiter o produkto ng pangbabraso para lamang makalabas sa Pilipinas kahit hindi dumaan sa tamang proseso. Ang ibang OFW naman ay gumagamit ng tourist visa o mga pekeng papeles na nakalulusot sa Bureau of Immigration.
Dumarami na rin ang sangkot sa cross-country scandal na kung saan pumupunta ang manggagawa sa isang bansa kahit hindi naman ito ang nakasaad sa kontrata. May mga kababayan din tayong nakakulong dahil sa mga kaso na wala namang kuwenta at gawa-gawa lamang ng kanilang employer. Mayroon din namang nababaon sa utang at sila ay nakakulong subalit hindi nila ito ginusto sapagkat naapektuhan lamang sila nang biglaang pagkatanggal sa trabaho sanhi ng Saudization. Idagdag pa natin ang mga OFW na kung saan ang kanilang mga ahensya ay nalugi, nagsara o kinansela ang lisensya.
Ang kalunos-lunos na kalagayan ng ating mga OFW ay hindi na gaanong napagtutuunan ng pansin ng ating gobyerno sapagkat paisa-isa lamang ang mga kaso na lumalabas sa media at kadalasan sa mga ito ay mga karumal-dumal na kaso ng pagpatay o panggagahasa lamang. Panahon na para magkaroon ng isang batas na maglalaan ng pondo upang gamitin sa kaso ng distressed workers.
Ang pangunahing dahilan kung bakit walang batas na diretsong nagbibigay ng pera sa isang pribadong tao ay dahil hindi pwedeng gamitin ang pondo ng gobyerno upang bayaran ang personal na pagkakautang. Subalit ang ibang problema ay sadyang walang kalutasan bukod sa kailangang pera na gagamitin sa piyansa, penalty o utang ng mga distressed OFW.
Sa kasalukuyan, ang nabanggit na mga manggagawa ay umaasa lamang sa tulong ng mga kapwa OFW na kung ituring ay mga advocates. Malaki ang papel na ginagampanan ating mga kababayan sa pagtulong sa nangangailangan. Kulang ang mga opisina at empleyado na maaaring takbuhan o mag-aasikaso ng mga distressed OFW. Ang kakulangan ng mga shelter na maaaring tuluyan ng mga manggagawa ay isa pang malaking dagok para sa mga OFW. Siksikan at walang maayos na pasilidad sanhi siguro ng kakulangan sa pondo na inilaan ng ating gobyerno.
Ang pagsasaayos ng emergency help lines ay dapat madaliin lalo na sa tanggapan ng POLO o Philippine Embassy upang mabilis na matugunan ang mga problema ng manggagawa. Karamihan kasi sa reklamo ng ating mga OFW ay ang mabagal na pagresponde sa mga telepono o email sa panahon ng pangangailangan.
Masaklap na karanasan o bangungot para sa ating mga OFW ang masangkot sa kaso kapag ito ay nasa ibang bansa dahil ang legal assistance fund na inilaan ng ating gobyerno para sa mga distressed workers ay hindi naman naipaparating nang maayos. Nakakapagtaka na kung minsan, ang mga OFW pa mismo ang napipilitan na magbayad ng abogado para lamang matugunan ang kanilang problema.
Panahon na upang baguhin ang sistema ng pagtugon sa mga problema ng OFW. Napakahalaga na malaman muna ang totoong sanhi ng problema at kasalukuyang sitwasyon bago gumawa ng kung anu-anong batas o regulasyon ang ating mga opisyal ng gobyerno. Higit sa kung sino man, ang mga OFW ang nakararanas ng mga problema at sila rin mismo ang nakakaalam sa epektibong solusyon.
Kung kayo ay may mga katanungan na kailangan ng kasagutang legal, sumulat lamang sa “AKSYON NI CASTILLON” sa email address – castillon.lawoffice@gmail.com
