(NI JG TUMBADO)
HUWAG munang mangisda sa Scarborough Shoal o sa Bajo de Masinloc sa lalawigan ng Zambales.
Ito ang ipinanawagan ng Northern Luzon Command (NolCom) at maging ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa mga mangingisda na pumapalaot malapit sa nasabing pinag-aagawang teritoryo.
Idinahilan ng ahensiya ang patuloy na dumaraming reklamo ng harassment at pambu ‘bully‘ sa mga lokal na mangingisdang Filipino sa lugar na umanoy kagagawan ng mga Chinese fishermen.
Ayon kay BFAR Director Eduardo Gongona, dapat iwasan ang pagtaas ng tensyon sa lugar dahilan para maglabas ng babala.
Ipinaliwanag pa ng opisyal na habang gumagawa ng hakbang ang pamahalaan sa isyu ay dapat manatili muna sa mga municipal waters ang mga mangingisdang Pinoy.
Sinabi pa ni Gongona na mga high value fish ang nakukuha sa Scarborough shoal ngunit hindi naman umano marami ang mga ito.
Una na umanong nakakatanggap ng impormasyon ang NolCom sa ginagawang pangha-harass ng mga Tsinong mangingisda sa mga mangingisdang Pinoy kapag nagkakataong sabay na manghuli ng isda malapit sa shoal.
Nagpahayag na rin ang Palasyo na maghahain ng panibagong reklamo ang pamahalaan kaugnay ng insidente sa West Philippine Sea.
305