AKSYON NI CASTILLON
MARAMING OFW ang hindi mapauwi sa Pilipinas dahil mayroong kinakaharap na kaso subalit kadalasan ay gawa-gawa lamang ng malulupit na amo. Ang sitwasyon na ito ay isang paraan ng panggigipit laban sa ating mga kababayan kapag sila ay hindi pumapayag na ilipat sa ibang employer lalo na kung nakaranas ng pang-aabuso sa kamay ng kanilang amo.
Masakit isipin na ang mga OFW ay pinaglalaruan lamang ng kanilang mga employer sa kagustuhan na mabawi nila ang malaking halaga na ginastos sa pagkuha ng kasambahay. Iginigiit ng mga demonyong amo na magnanakaw ng pera o alahas ang mga OFW na kanilang inaabuso.
Ito ay matagal nang nangyayari lalo na sa Middle East subalit hindi nabibigyan ng pansin ang kalagayan ng ating mga kababayan dahil hindi sapat ang tulong legal na naibibigay ng ating gobyerno. Kapag ang jobsite ay nasa malayong lugar kung saan walang POLO o Welfare Office na matatakbuhan, kalunos-lunos ang nangyayari sa mga inabusong OFW.
Kung minsan, ang mga nakakatakas na manggagawa ay inuunahan ng employer sa pagsampa ng kaso kaya hindi pa rin ito makakauwi hangga’t hindi mabigyan ng clearance. Napakahalaga ang papel na ginagampanan ng ating Embassy o POLO sapagkat nakasalalay sa kanila ang kaligtasan ng ating kababayan.
Kapag pabaya ang mga opisyal at empleyado ng gobyerno sa jobsite, nagiging impyerno ang buhay ng mga OFW. Dapat mabilis ang pagsasampa ng kaso laban sa mapang-abusong employer kapag ang OFW ay tumakas at nasa kustodiya na ng Embassy o POLO.
Napakaraming kaso na ang ating nasubaybayan na kung saan ang mga distressed OFW ay nakatambak lamang sa shelter subalit hindi nasasampahan ang kanilang mga amo. Umaasa lamang ang mga opisyal at empleyado ng Embassy o POLO na magkakaroon ng conciliation at settlement para sa exit visa o clearance.
Ang masakit na katotohanan ay hindi nakakuha ng hustisya ang ating kababayan kaya sa recruitment agencies na naman ibabaling ang kasalanan ng employer. Ang mga papeles na ginagawa sa Embassy o POLO ay kadalasang hindi kinikilala ng NLRC o POEA. Ito ay malalang sistema na hindi na nagagawan ng lunas ilang dekada na ang nakakaraan.
Kung kayo ay may mga katanungan na kailangan ng kasagutang legal, sumulat lamang sa “AKSYON NI CASTILLON” sa email address – castillon.lawoffice@gmail.com
