(NI BERNARD TAGUINOD)
PATALO ang polisiya ng gobyernong Duterte sa West Philippine Sea (WPS) dahil imbes na ipaglaban ang karapatan ng bansa, pinapayuhan pa ng mga ito ang mga mangingisdang Filipino na huwag munang mangisda sa sariling teritoryo.
Ganito inilarawan ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate ang payo ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na iwasan munang mangisda sa Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal upang makaiwas sa pangha-harass ng China.
“Patalong polisiyang ito ng gobyernong Duterte,” ani Zarate dahil sa halip palayasin ang mga magnanakaw ay ang may-ari ng bahay pa ang pinapayuhang umalis muna sa kanyang bakuran.
Nababahala rin ang kongresista na lalong magugutom ang mga mangingisdang Filipino sa polisiyang ito ng gobyerno dahi nauubos na umano ang mga isda sa mga municipal waters.
Tanging ang pag-asa aniya ng mga mangingisda na makahuli ng maraming isda ay sa Scarborough Shoal at iba pang teritoryo ng bansa sa West Philippine Sea kaya kung mananatili ang polisiyang ito ay kakalam ang sikmura ng mga mangingisda.
Dismayado ang mambabatas dahil kung anong tapang aniya ang gobyernong Duterte sa mga kapwa Filipino ay nakabibingi umano ang katahimikan ng Pangulo pagdating sa patuloy na panghaharass ng nasabing bansa sa mga mangingisda.
Sinabi naman ni Bayan Muna chairman Neri Colmenares na imbes na sumunod ang BFAR kay Pangulong Duterte ay dapat nitong depensa ang mga Filipinong mangingisda at ideklarang ‘triditional fishing ground’ ng mga Filipino ang Scarborough Shaol.
“Walang karapatan ang Chinese Coast Guard na itaboy ang ating mga mangingisda. Ang problema, ang Presidente mismo ang astang patalo kaya ganyan din down the line,” ayon pa kay Colmenares.
173