SAMPU katao, kabilang ang isang limang-buwang gulang na sanggol, ang nasawi matapos lamunin ng apoy ang tinitirhan bahay kahapon ng umaga sa lungsod ng Muntinlupa.
Sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), bandang alas 9:00 ng umaga nang mag-umpisang masunog ang isang bahay sa kahabaan ng Larva Street, Bruger Subdivision sa Barangay Putatan ng nasabing lungsod.
Wala pang pagkakakilanlan ang mga nasawi ayon kay Muntinlupa City Fire Marshal Fire Superintendent Eugene Briones bagamat kumbinsido ang lupon ng pamatay sunog na magkakaanak ang mga nasawi., batay na rin sa panayam sa mga residente.
Base sa mga nakalap na impormasyon, 10 pamilya ang nakatira sa naabong istruktura kabilang ang katabing dalawang palapag na paupahan.
Ganap na alas 10:25 nang tuluyang naapula ang apoy. Sa pagtataya ng kawanihan, abot sa kalahating milyon ang natupok na pag-aari sa nasabing insidente. (CREMA LIMPIN)
263 