IKINALUGOD ng grupong Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) ang naitalang 7.2% gross domestic product (GDP) economic growth sa huling bahagi ng nakalipas na taon.
Para sa TUCP, malaking bentahe ang pagsipa ng ekonomiya sa huling sangkapat ng 2022. Katunayan anila, ang mataas na antas ng pag-usad ng ekonomiya ang nagbigay-daan para mahigitan ng pamahalaan ang 6.5 hanggang 7.5% 2022 GDP target.
Sa datos ng grupo, lumalabas na nalampasan din ng 7.6% full year growth na naitala noong 4th quarter ng 2022 ang mga karatig bansa kabilang ang Vietnam na may 5.9% na paglago habang 2.9% lang para sa China.
Gayunpaman, kumbinsido ang TUCP na may posible pang itaas ang paglago ng ekonomiya sa antas na madarama ng masa – partikular yaong kumikita ng minimum wage o mas mababa pa.
Ayon sa grupo, mas angkop at makabuluhan ang anomang numerong kalakip ng paglago ng ekonomiya kung kasabay sa pag-unlad ng mga simpleng mamamayan.
Pag-amin ng TUCP, hindi kayang tabunan ng 7.2% GDP ang usapin sa kapos na supply ng abot-kayang pagkain sa mga pamilihang bayan, lingguhang umento sa bentahan ng produktong petrolyo at maging singil sa kuryente, tubig at iba pang serbisyo.
Katunayan pa, ayon sa TUCP, pumalo na sa 10.2% ang food inflation noong buwan ng Disyembre kung saan pinaka apektado ang gulay na nakapagtala ng 32.4% inflation.
Nananatili rin anilang mataas ang underemployment na naitala sa antas na 14.4% noong Nobyembre.
Batay sa 2022 report ng International Labour Organization (ILO), 2.22% ng working age (Pilipinong nasa hustong gulang para makapagtrabaho), ay pasok sa kategorya ng “extreme poverty” at kumita lang ng $1.90 kada araw – katumbas ng mahigit P100.
Mungkahi ng TUCP sa pamahalaan, kagyat na tutukan ang paghahanap ng solusyon sa mataas na inflation rate at paglikha ng mas maraming “angkop” na trabaho para sa mga Pilipino. (JOEL AMONGO)
