UMABOT sa 16 indibidwal ang iniulat na nasugatan sa nangyaring pagsabog ng isang liquefied petroleum gas (LPG) tank na naging sanhi ng sunog sa isang laundry shop sa Malate, Manila noong Lunes ng gabi.
Nadamay sa insidente ang isang restaurant at dormitory ng mga estudyante sa nasabing lugar.
Sa tatlong pagamutan isinugod ang mga biktimang nasa edad 17 hanggang 51-anyos, pawang dumanas ng 1st degree burns.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Salvador Tangdol, commander ng Manila Police District Malate Police Station 9, bandang alas- 7:19 ng gabi nang mangyari ang pagsabog ng LPG tank sa 360 Wash Laundry Shop sa Mac Torre residence sa #2223 Fidel Reyes Street, sa panulukan ng Noli St., sakop ng Barangay 708 sa Malate.
Nabatid mula kay Senior Fire Officer 4 Edilberto Cruz, team leader ng Arson Division ng Bureau of Fire Protection (BFP), bandang alas-7:29 ng gabi nang ideklarang fire under control ang sunog at dakong 7:34 ng gabi nang tuluyan itong maapula.
Lumitaw sa imbestigasyon ni Senior Fire Officer 2 Joshua Emmanuel Galura, may hawak ng kaso, pitong biktima ang nilulunasan sa Philippine General Hospital, pito rin ang isinugod sa Adventist Medical Center Manila at dalawa sa Ospital ng Maynila.
Ayon sa ilang mga residente sa lugar, nakarinig sila ng pagsabog kasunod ng pagliyab ng laundry shop.
Napag-alaman, sumingaw ang LPG tank sa nasabing laundry shop kasunod ang pagsabog nito.
Nasa mahigit 10 truck ng bumbero ang mabilis na nagresponde upang mapigilan ang paglaki ng apoy.
Ayon kay Police Major Philipp Ines ng Public Information Office , nag-ikot lulan ng motorsiklo si MPD Director Police Brigadier General Andre Perez Dizon sa lugar, kasama ang grupo nito upang magbigay ng suporta sa mga pulis na nagresponde sa insidente.
Kinilala ang may-ari ng gusali na si Macario Torre Icaca, at tenant nito ang may-ari ng laundry shop.
Patuloy ang imbestigasyon ng BFP at MPD-Malate Police Station 9 sa insidente at inaalam kung magkano ang napinsalang mga ari-arian sa nangyaring sunog. (RENE CRISOSTOMO)
404