KINALAMPAG ng hanay ng mga magbubukid ang Kamara na huwag tulugan ang panukalang subsidiya para sa sektor na kinabibilangan ng mga nagbubungkal ng lupa at maging yaong mga pumapalaot sa karagatan para mangisda.
Partikular na tinukoy ng grupong Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang panukalang batas na isinusulong ng mga militanteng kongresistang naglalayong bahagian ng P15,000 subsidiya ang mga Pilipinong magsasaka at mangingisda.
Hamon ng Danilo Ramos na tumatayong KMP chairman kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sertipikahang ‘urgent’ ang House Bill 406 (P15K production subsidy) bilang pagkilala sa sektor ng agrikultura.
Hunyo ng nakaraang taon pa aniya inihain sa Kamara ang panukalang ayon pa kay Ramos ay tinulugan ng Committee on Agriculture, Ways and Means at Appropriations.
Para kay Ramos, napapanahon nang isalang sa plenaryo ang HB 406 bilang paghahanda sa susunod na panahon ng taniman. Dapat rin aniyang isaalang-alang ng Kamara ang mga nakaambang banta ng El Nino.
“There are more than enough fund sources for the P15,000 production subsidy if only Congress would rechannel lump sum budget items and unprogrammed funds that are vulnerable to corruption to budget for aid and social services,” ani Ramos.
Bagamat pababa na ang presyo ng abono, kailangan pa rin di umano nila ang subsidiyang pantugon sa patuloy na pagtaas sa presyo ng mga pangunahing pangangailangan sa merkado – bukod pa sa dagdag-puhunan sa pagsasaka.
“Mataas ang gastos sa produksyon. Napakataas din ng presyo ng mga bilihin at patuloy ang inflation. Kahit mga magsasaka, hirap na sa pagbili ng pagkain,” ayon sa lider ng KMP.
Samantala, nanawagan naman sa Department of Agriculture (DA) si KMP chairman emeritus Rafael Mariano na itulak ang pagtatanim ng mga rice varieties na “matibay sa tumitinding climate change na nakakaapekto sa agrikultura gaya ng tagtuyot, baha at saltwater intrusion.”
“Ang grupo ng mga siyentista-magsasaka na MASIPAG ay nakapag debelop na ng 18 drought-tolerant, 12 flood-tolerant, 20 salt-water tolerant at 24 pest and disease tolerant varieties ng palay mula sa kanilang mga farmer-breeders,” pahabol ng dating kongresista. (BERNARD TAGUINOD)
519