(RONALD BULA)
MATINDI ang banta kamakailan ng hepe ng pambansang pulisya na sibak agad sa pwesto sa ilalim ng ipinatutupad na “one-strike” policy ang sinomang opisyal nito na dawit at protektor ng ilegal na sugal sa bansa, partikular ang jueteng at lotteng.
Gayunman, tila balewala sa mga lokal na opisyal ng pulisya sa Oriental Mindoro ang mga babala at pagbabanta ng kanilang hepe.
Ani Philippine National Police (PNP) Chief P/Gen. Benjamin Acorda Jr., wala siyang sisinuhin sa mga police commander na mabibigong patigilin ang illegal gambling sa kanilang hurisdiksyon dahil alam niyang kapado ng mga pulis ang lahat ng sugalan sa kanilang mga lugar.
Welcome naman kay Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Mel Robles ang kautusan ni Acorda.
Paliwanag ni Robles, nagdudulot ito ng negatibong epekto sa kita ng PCSO dahil napupunta lamang sa mga illegal gambling tulad ng jueteng at lotteng ang pera na dapat sana’y ipinantutulong nila sa mga Pilipino.
Kasunod nito, umapela si Robles sa publiko na tangkilikin lamang ang kanilang mga palaro tulad ng Lotto, Scratch It at Small Town Lottery na sumusuporta sa mga pagkakawang-gawa ng ahensya.
Sa kabila ng mahigpit na kautusan ni Acorda laban sa ilegal na sugal, nananatiling talamak ang presensiya ng jueteng partikular sa lalawigan ng Oriental Mindoro. Katunayan, 29-9 at 27-10 ang resulta na lumabas kamakalawa.
Patuloy na umaarangkada ang operasyon ng jueteng sa bagong pangalan nito na Bingo ng Bayan sa hurisdiksyon nina Oriental Mindoro Provincial Director PCol Samuel Delorino at Police Regional Office MIMAROPA Regional Director PBGen Joel Doria sa kabila ng mahigpit na kautusan ni Acorda na ipatigil ito.
Batay sa sumbong na ipinarating sa pahayagang ito ng ilang concerned citizen, tila hindi umano tumatagos ang “One Strike” Policy ni Acorda sa Oriental Mindoro dahil talamak pa rin umano ang bolahan ng jueteng sa 15 na bayan at isang siyudad na minamantine ng maimpluwensyang politiko na may inisyal na “LM”.
Naniniwala naman ang ilang sektor na bumabatikos nito na hindi matutuldukan ng kapulisan ang pamamayagpag ng ilegal na sugal dahil ipinagmamalaki umano ng maimpluwensiyang politiko na si ‘LM” na may basbas daw nina Doria at Delorino ang tayaan nito hanggang sa kasuluk-sulukan ng lalawigan.
Sumisingaw rin ang pangalan ng isang alyas Nonoy Hernandez at alyas Malasuwait na sinasabing kolektor ng intelihensya ng tanggapan ng Regional Director at Provincial Director kung kaya hindi masawata ang naturang sugal ng mga hepe ng kapulisan dahil sa takot na masibak sa tungkulin.
Banggit ng mga nagrereklamo, dapat nang maglunsad ng all-out war laban sa ilegal na sugal sina Delorino at Doria upang mapabulaanan ang mga akusasyon laban sa kanila at ang panggagamit sa kanilang pangalan ng mga promotor ng sugalan sa lalawigan.
Ayon pa sa impormante, sina alyas Malasuwait at Nonoy Hernandez ang lumilikom at nanghihingi ng “goodwill” sa jueteng lord/financier at mga sugal lupa sa Oriental Mindoro.
Kaugnay nito, nananawagan ang simbahan at grupong tumutuligsa sa mga sugalan sa Malacañang at Department of the Interior and Local Government (DILG) na imbestigahan ang reklamong ito upang tuluyan nang matigil ang untouchable na Bingo ng Bayan cum Jueteng at mapanagot ang ilang opisyal na protektor nito sa nasabing lalawigan.
226