TARGET NI KA REX CAYANONG
NOON pa’y kilala nang tumutulong sa ating mga kababayan ang Ako Bisaya Party-list.
Kahit saang sulok ng bansa, dinarayo nila. Ayaw nilang makitang nahihirapan sa buhay ang mga Pinoy.
Kamakailan nga, ang Ako Bisaya ay nag-donate ng brand new na covered court na nagkakahalaga ng P5 milyon sa Sitio Bongbongan, Brgy. San Antonio, Tapaz, Capiz.
Kung hindi ako nagkakamali, present naman sa inagurasyon at turnover ceremony ang ilang barangay officials ng Brgy. San Antonio at maging si Tapaz Mayor Roberto “Nonong” Palomar at iba pang municipality officials.
Si Cong. Sonny Lagon na kinatawan ng Ako Bisaya ay laking Capiz. Kaya naman ang proyektong ito ay alay niya sa kanyang mga kapwa Capiznon.
Samantala, wala ring tigil ang serbisyo-publiko ni Gov. Helen Tan ng Quezon.
Ilang buwan pa lamang sa kanyang puwesto ay umuulan na ng mga proyekto at programa sa kanilang lalawigan.
Sa pagsusumikap naman na maisulong ang malinis at mabuting pamamahala, ang provincial government ng Quezon ay nakatanggap ng “Unmodified Opinion” mula sa Commission on Audit (COA).
Ayon kay Gov. Tan, ito’y sumasalamin sa tapat, patas, at wasto nilang paggamit ng pondo.
“Pagbati at pasasalamat sa bawat namumuno at empleyado ng bawat departamento ng ating pamahalaan. Nagbunga ang ating pagbabalikatan,” masayang pahayag ng masipag na gobernadora.
Pinangunahan naman ni Gov. Tan nitong Martes, Hunyo 6, ang pagtitipon sa Quezon Convention Center ng mahigit 3,000 mangingisda mula sa iba’t ibang barangay sa lungsod ng Lucena.
Sinabi ng lady governor na ito’y bahagi ng konsultasyon hinggil sa kinahaharap na suliranin ng sektor ng pangingisda.
Aba’y personal na nagbigay mensahe si Gov. Tan na hindi tumitigil ang pamahalaang panlalawigan sa pagbibigay ng mga programa at proyektong makatutulong sa pag-unlad ng pangisdaan sa kanilang probinsya.
At kung hindi ako nagkakamali, naging katuwang nila sa isinagawang konsultasyon ang punong tanggapan ng provincial agriculturist sa pangunguna ni Dr. Lisa Mariano, kasama rin sina Vice Gov. Third Alcala, BM Vinette Alcala, at BM Yna Liwanag.
Kasabay nito, namahagi rin sila ng relief supplies mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Mabuhay po kayo, mga bossing, at God bless!
246