INAKUSAHAN ni Negros Oriental 2nd District Rep. Arnolfo Teves Jr., si Department of Justice (DOJ) Secretary Crispin Remulla na sinungaling dahil marami aniya itong sinasabi na walang katotohanan.
Kasabay nito, hinamon ng mambabatas na magbitiw si Remulla kapag napatunayang nagsisinungaling.
Inihalimbawa ni Teves ang pahayag kamakailan ni Remulla na si Teves ay kumuha ng citizenship at asylum sa Timor Leste gayong hindi naman aniya ito totoo.
Sinabi nito na bilang isang kalihim ng DOJ, si Remulla ay dapat mag-imbestiga muna sa mga anggulo sa Degamo slay bago magsalita ng kung ano-ano na walang katotohanan.
“Sana lang imbestigahan ang lahat ng anggulo sa kaso. ‘Yung tungkol sa anggulong triangle, utang, korapsyon at pera bago magsalita ng kung ano-ano,” pahayag ni Teves sa kanyang pagdalo sa media forum sa Quezon City kahapon sa pamamagitan ng Zoom.
Sinabi pa ni Teves na dapat ipaliwanag ni Remulla kung paano nagkasya ang 14 katao sa 9-seater na eroplano gayundin ang 6 katao sa 5-seater na eroplano.
Nanawagan din si Teves sa media na hintayin munang sagutin ni Remulla ang kanyang mga tanong bago magtanong ng ibang isyu sa kalihim.
Nanawagan din ang mambabatas kay Pangulong Bongbong Marcos na tanggalin si Remulla sa puwesto dahil wala aniyang puwang sa gobyerno ang mga sinungaling.
Muling iginiit ng mambabatas na uuwi lang siya kung matiyak ang fair trial sa kanya.
Ipinagtataka rin ni Teves kung bakit idinidiin ni House Speaker Martin Romualdez na pauwiin siya gayung may banta ang kanyang seguridad.
Sinabi ni Teves na ang kanyang suspension ay ginagamit lamang na dahilan ni Romualdez para siya ay umuwi gayung hindi naman niya dinudumihan ang pangalan ng Kongreso.
Kasabay nito, kinuwestyon niya ang pagpasok ng Prime Holdings Inc. ni Romualdez sa ABS-CBN deal. (PAOLO SANTOS)
