UMAKYAT sa 95.5% ang employment rate o katumbas ng 48 milyong Pilipino na may trabaho sa bansa nitong Abril, batay sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Kasabay nito ay bumaba sa 4.5% ang unemployment rate o katumbas ng 2.26 milyong Pilipino na walang trabaho.
Kung tunay na larawang ito ng sektor ng trabaho, pwede nang ikagalak, ngunit may mga hadlang na ikokonsidera. Isa na rito ang pasubali na karamihan sa mga trabahong ibinigay ay hindi nag-aalok ng sahod na sapat para ikabuhay ng pamilya ng manggagawa.
Nakaka-engganyo ang tantiyang ito ng PSA, ngunit higit na magbibigay ito ng positibong reaksyon kung katapat at kalakip nito ang makataong antas ng suweldo, kondisyon ng lugar ng trabaho, trato sa mga empleyado at iba pa na magbibigay sa sektor ng magandang imahe.
Kung karamihan sa mga nagbibigay ng trabaho ay walang kakayahan o umiiwas na magkaloob ng magandang kita, pribilehiyo, maayos na kondisyon ng lugar at pagtingin sa mga trabahador ay malabnaw ang saysay ng pagtaas ng bilang ng may trabaho dahil may posibilidad na magbitiw ang mga ito at mapabilang uli sa mga porsyento ng mga walang trabaho.
Paikot-ikot lamang ang ganitong sirkulo hangga’t nawawala ang salitang kontento.
Anong klaseng trabaho ang ipinagkaloob? Mga kontraktuwal, arawan, panandalian, ayon sa pangangailangan ng employer, at base sa panahon? Hindi ito matatag na pundasyon na ikatitibay ng sektor. Uulit at uulit ang gulong ng paghahanap ng mapapasukan para kumita. Magbabago na naman ang estadistika.
Ang dapat ipursige ng pamahalaan ay ang pagsusulong ng living wage, ngunit malayo ito sa katotohanan, siguro kasinlayo rin ng totoong pakay ng pamahalaan sa sinasabing gumaganda ang puwersa ng trabaho sa bansa.
Dumami nga ba ang nagkatrabaho at nabawasan ang dami ng mga Pinoy na walang trabaho?
Iba ang trabaho sa tinatrabaho.
Iba rin ang achievement sa pangarap at pangako at hindi magsintunog ang pagpapabango at tiwala, ang likha sa sapantaha at drawing na gawa.
160