DPA Bernard Taguinod
IPINAGDIWANG natin kahapon ang ika-125 anibersaryo ng Kalayaan ng Pilipinas mula sa mahigit tatlong siglong pananakop ng Espanya sa lahing kayumanggi pero hindi ko ramdam na nagdiriwang ang mga Filipino.
Bukod sa mga watawat na nakakalat sa mga lansangan na mistulang paalala na lamang ng ating paglaya sa kuko ng mga Espanyol, ramdam mo na wala nang pakialam ang karamihan sa atin lalo na ang mga kabataan.
Hindi ko alam kung dahil ba sa sistema ng edukasyon ngayon sa Pilipinas na hindi na itinuturo ang naging kabayanihan ng ating mga ninuno kung paano sila nagbuwis ng buhay para makamit lang natin ang ating kalayaan.
O baka dahil alam ng lahat lalo na ang mga bagong henerasyon na hindi pa rin naman talaga tayo malaya. Tanging sa Espanya pa lamang tayo malaya at sa ibang aspeto ng kalayaan ay nakakulong pa rin tayong lahat.
Nakipaglaban ang ating mga bayani para makalaya tayo sa Espanya at tayong mga Filipino na mismo ang mamamahala sa ating bayan. Kaakibat ito ng kalayaan sa kahirapan, sa pang-aabuso, sa pananamantala at korupsyon.
Pero sa nagdaang 125 taon, mukhang sa Espanya lang tayo nakalaya at hindi sa kahirapan dahil hanggang ngayon ay lugmok pa tayo sa kaputikan ng kahirapan. Third world country pa rin tayo, ika nga nila.
Hindi ko tuloy maiwasang maikumpara ang ating bansa sa South Korea. Nauna tayong lumaya sa kanila dahil noong 1945 lang sila nakalaya sa mga Hapon pero tingnan niyo kung nasaan na sila ngayon. Ang layo na nila sa atin.
Tulad natin, nakalaya rin tayo sa mga Hapon noong 1945 o pagkatapos ng World War II at nagkaroon pa ng Korean war noong 1950 hanggang 1953 pero agad silang bumangon at isa sila sa asensadong mga bansa ngayon pero tayo, wala pa ring asenso.
Ang Singapore ay nakamit lang ang kalayaan sa Malaysia noong 1965 pero sila ang may pinakamalaking ekonomiya ngayon habang tayo ay 1898 pa nakalaya pero lugmok pa tayo sa kahirapan.
Ang Vietnam na dumaan sa dalawang dekadang giyera o mula 1955 hanggang 1975, ay nilagpasan na tayo pagdating sa ekonomiya kaya mapatatanong ka, ano bang nangyari sa Pilipinas?
Ang pinakamalapit na sagot sa ganyang tanong ay corruption. Hindi nawala ang katiwalian sa gobyerno mula noon hanggang ngayon kaya hindi umasenso ang ating bansa.
Kung hindi naging corrupt ang karamihan sa ating nagdaang mga gobyerno at inisip ang kinabukasan ng susunod na mga henerasyon sa kanila, malamang matagal na tayong nakalaya sa kahirapan.
Sigurado ako, may nagdaang mga lider ng bansa ang hindi corrupt pero ang mga nakapaligid sa kanya ay mga corrupt kaya wala pa ring nangyari sa ating bansa. Parang wala pa ring nagbago.
Mula sa itaas hanggang sa ibaba ay malala ang katiwalian kaya hanggang hindi tayo makalaya sa corrupt officials ay hindi pa rin tayo totoong malaya.
