NILINAW ni Philippine Ambassador to the US Jose Manuel “Babe” Romualdez na pansamantala lang o hanggang dalawang linggo lamang ang hiling ng Estados Unidos sa Pilipinas na manatili sa bansa ang libong Afghan refugees.
Gagamitin ang pananatili ng refugees sa pagproseso ng kanilang visa.
Ani Romualdez, hiniling ng Washington sa Maynila na magbigay ng special immigrant status sa refugees para tulungan ang mga ito na iproseso ang kanilang visas bago ang pagpasok ng mga ito sa Amerika.
Sa ilalim ng panukala, ang mga refugees na darating sa bansa, ‘in batches’ ay mananatili ng isa hanggang dalawang linggo lamang.
“Mahirap mag-process doon mismo sa Afghanistan dahil iba na yung gobyerno doon, diba? All the expenses related to that one will be borne by the US government,” ani Romualdez.
“Anytime na tingin natin hindi maganda yung sitwasyon, pwede natin i-cancel yung ating agreement sa US anytime,” dagdag na pahayag nito.
Nauna rito, kinuwestiyon ni Senator Imee Marcos ang request ng Washington noong nakaraang linggo, sabay sabing dapat na tanungin muna ang mga kaalyadong bansa na malapit sa Afghanistan.
Ani Romualdez, mayroon nang mahigit isang taon ang nasabing request at nabanggit lamang nang bumisita si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa White House kamakailan.
(CHRISTIAN DALE)
269
