PHIL PASSPORT BAKIT ANG HINA

DPA ni Bernard Taguinod

MARAMING Pinoy ang gustong pumunta sa ibang bansa para mag-unwind, mag-relax, personal na makita at maramdaman ang kultura ng ibang lahi at matuto sa kanilang karanasan.

Pero hindi nila nagagawa dahil ang hina ng ating passport at limitado lang ang mga bansang hindi inoobliga ang mga Pinoy na kumuha ng visa para makapasok sa kanilang bansa.

Sa pagkuha pa lamang ng visa nakaka-stress na dahil kung ano-anong papeles ang hinahanap sa ‘yo bago ka bigyan ng visa, limitado ng ilang araw lang, kaya gustuhin man nilang magbakasyon sa ibang bansa ay nasisiraan na sila agad ng loob.

Pero bakit ba mahina ang Philippine passport at pahina pa nang pahina habang tumatagal? Ang ranking ng ating pasaporte ngayon ay ika-80 sa 195 bansa sa mundo kasama na ang Holy See at State of Palestine na hindi miyembro ng United Nations (UN) mula sa dating ika-74.

Ang mga bansa na hindi tayo hinahanapan ng visa ay 67 lang na kinabibilangan Cambodia, Thailand, Singapore, Costa Rica, Israel, Hong Kong, Haiti, Macao, Indonesia, Malaysia, Bolivia, Mongolia, Fiji, Colombia, Kazakhstan, Cabo Verde, Brazil, Laos, Brunei, Morocco, Dominica, Barbados, Guinea-Bissau, China, Vietnam, Timor Leste at iba pa.

Pero sa 128 bansa tulad ng mga European Countries at United States (US) ay kailangan nating kumuha ng visa bago tayo payagang makapunta sa kanilang bansa kaya isa ang Philippine passport sa pinakamahina sa buong mundo.

Hindi tulad ng Singapore passport na maaaring makarating sa 160 bansa ang mga Singaporean na hindi na kailangang ang visa, na sinundan ng Japan na 154 bansa ang pwedeng puntahan ng Japanese nationals nang walang visa.

Nakalulungkot lang dahil masyadong hinihigpitan ang mga Filipino sa pagbiyahe pero ang ibang lahi ay maaaring pumunta sa Pilipinas na hindi na kailangang ng visa, hindi kailangang magpakita na may ipon ka at may trabaho sa Pilipinas.

Pero sa pagsasaliksik natin, ang isa sa mga dahilan kung bakit mahina ang ating passport ay dahil din sa mga lider natin, mula noon hanggang ngayon, lalo na ang mga pulitiko.

Ang mga bansa na hindi matatag ang ekonomiya at pampulitika, matindi ang kahirapan, magulo, matindi ang korupsyon ang ilan sa mga pangunahing dahilan kung bakit mahina ang kanilang pasaporte.

Sino ba ang may kasalanan kaya hindi matatag ang ating ekonomiya? Hindi naman siguro ang mamamayan kundi ang mga namumuno sa ating gobyerno o mga politiko.

Walang tatag ang pulitika sa ating bansa dahil mas inuuna ng mga pulitiko ang kanilang interes kaysa bayan kaya sila ang pasimuno kung baga, kung bakit tayo mahina.

Pero may malaking kasalanan din siguro ang mamamayan dahil karamihan sa kanila ay ibinoboto at iniluluklok sa puwesto ang mga walang silbing pulitiko lalo na kapag nagpapabayad sila tuwing eleksyon.

164

Related posts

Leave a Comment