CLICKBAIT Ni Jo Barlizo
INUGA ng kaguluhan ang Australian company na TEN SIXTY FOUR (X64) at ang epekto: nayanig ang mining industry ng Pilipinas bunsod ng hangad ng pinatalsik na executive na matanggal ang kasalukuyang Board. Parang uga ng lupa na nadadamay ang karatig na lugar. Nakanti ang ekonomiya, nadamay pa ang PHILSAGA MINING CORPORATION (PMC), kasama ang komunidad na nabebenipisyuhan nito.
Nakabase sa Agusan del Sur, kilala ang PMC sa pagmimina ng ginto. Naging sandigan ng ekonomiya at naghahatid ng serbisyong panlipunan at pag-unlad ng komunidad ng Manobo Tribe.
‘Yun nga lang, ang agenda na matanggal ang kasalukuyang X64 BOARD na pinasimulan ni Ryan Welker, na natanggal sa pagiging managing director at co-founder ng Australian company na VITRINITE, ay naging malaking banta at naging kontrobersyal.
Ang board restructuring ay lumabis na sa mga prayoridad, estratehiya at decision-making process na maaaring humantong sa malaking danyos sa mga pamumuhunan, exploration plans, operational efficiency, at sa kabuhayan ng libu-libong manggagawa.
Sa Agusan del Sur lang ay mahigit 500 manggagawa na ang mawawalan ng kabuhayan kapag napalitan ang X64 Board. Maaaring bumagsak ang kabuhayan ng mga pamilya, damay rin ang ekonomiya. Apektado rin ang pondong inilaan sa mga imprastraktura tulad ng paaralan at ospital na mahalaga sa isang komunidad.
Ayon sa source, ang napatalsik sa pagiging PMC president na si Raul Villanueva ay nagsaad na ang PMC ay 100% na pag-aari ng kompanyang Pilipino na nilalansi ng internal at external stakeholders, ito ay minsan nang naging kontra sa mga foreign investor, at sa kabila ng pakikipagtulungan nito kay Welker ay posibleng maapektuhan din ang pamumuhunan sa sektor ng pagmimina sa ating bansa.
Ang ganitong sistema ay daig pa ang pulitika sa korporasyon lalo na kapag nabigo si Welker na makapagpakita ng sapat na batayan para matanggal ang X64 BOARD sa isang resolusyon na binalangkas para sa mga shareholder. Kabuhayan ng komunidad ang magigiba at matatabunan nito.
Ang napapaloob sa muling pagsasaayos ng X64 Board ay senyales ng kasakiman at pagkagahaman sa kapangyarihan, na ang kapalaran sa mining industry sa Agusan del Sur ay nakasalalay sa balance at sa mga panuntunang binuo ng boardroom, at ang pulitikang korporasyon para sa mga ehekutibo tulad ni Welker, ay isang kritikal na suliranin para sa kinabukasan ng mga tao.
Sa pagmimina, marami ang nagkakakwarta, ngunit sa kahuhukay ay marami rin ang nababaon sa disgrasya.
