MAG-IISANG taon pa lang ang administrasyon ni Marcos Jr., may nagpa-survey na kung sino ang gustong ipalit sa kanya.
Ganun ba kasama o kapalpak ang BBM admin at marami na atang naiinip sa pagtatapos ng kanyang termino.
O marami lang talagang atat makuha ang trono sa Malacañang?
May mga nagkokomento na mind conditioning ang motibo sa resulta ng latest survey ng SWS.
Nanguna kasi si Vice President Sara Duterte na nakakuha ng 28%, sinundan ni Raffy Tulfo na may 11% at Leni Robredo na 6%.
Pero tila may mali. Biruin nyo’ng mula sa dating 40%-50% ni Duterte, 28% na lang siya ngayon.
Mukhang nakaapekto sa kanila ang balitang pagkabasag ng Uniteam.
‘Wag nang pasaway
HINDI mapipigilan ang mga turista na dumagsa sa Albay para makita ang Mayon Volcano, ngunit hindi dahil sa ganda ng bulkan. Iba ang rason ng pagdayo ng mga turista. Ang pagputok ng Mayon ang inaabangan, ang pagbulwak at pagdausdos ng nagbabagang mga bato at lava ang hangad nilang masaksihan.
Likas na sa iba na makaramdam ng pambihirang thrill habang nasa harapan nila at abot ng kanilang paningin ang kakaiba pero nakatatakot na buga ng isa sa hinulma at singaw ng kalikasan.
Pinaalalahan na ng Department of Tourism – Bicol (DOT-5) ang mga lokal at banyagang turista na iwasang pumasok sa six-kilometer permanent danger zone (PDZ) dahil sa banta ng biglang pagsingaw at pagputok ng bulkan. Sapilitang pag-iingat ang ipinatutupad ng mga awtoridad para sa kaligtasan ng mga turista.
Kailangan pang bantayan ang mga turista para hindi makapasok sa itinakdang permanent danger zone.
Dagdag- trabaho. Dapat isentro ang atensyon sa paglikas ng mga apektadong mamamayan, pagpapalawak at pagpapabilis ng relief operation, at iba pang aktibidad at mga hakbang ng pag-iingat ng mga residente.
Nakakintal pa rin sa isipan, diwa at emosyon ng mga Albayano ang pagputok ng Mayon Volcano noong Agosto 2006, na nagresulta sa paglikas ng 48,000 katao, pagkasira ng kabuhayan, ng mga hayop, at ang pinakamasaklap ay ang pagkamatay ng 1,266 katao noong Disyembre ng nasabi ring taon nang ang malakas na pag-ulan mula sa Typhoon Reming ay nagdulot ng pagdausdos ng mga putik at mga pagbaha sa paanan ng bulkan.
Nakakikilabot ang tanawing natabunan ang mga bahay, kasama ang naninirahan, pagkabaon ng ilang barangay, ng senaryong ang malalaking bato ay nasa bubong ng mga bahay, sa lansangan, palayan, ilog at ibang daluyan.
Higit sa kilabot ng mga tanawin ang takot ng mga nakaranas, ng mga naulila, ng mga saksing hindi na maiwagsi ang takot, na ngayon ay binuhay ng muling pag-aalburoto ng bulkan.
Ayon sa alamat, ang pangalan ng Mayon ay mula sa salitang magayon na ang kahulugan ay maganda.
Tingnan natin ang nakabibighaning ganda ng Mayon na may perfect cone. Huwag magpista ang mga mata sa likod ng ganda na hatid ay trahedya.
