(NI BERNARD TAGUINOD)
HINDI na kailangang pumila sa Bureau of Internal Revenue (BIR) ang mga Filipino na kumikita ng P250,000 kada taon o mas mababa dito para maghain ng kanilang Income Tax Return (ITR).
Ito ang nilinaw ni House committee on banks and financial intermediaries chair Henry Ong, kaugnay ng obligasyon ng mga Filipino na maghain ng kanilang ITR taun-taon.
Sa ilalim ng Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN) law, libre sa buwis ang mga Filipino na kumikita lamang ng P250,000 kada taon kaya hindi na kailangang maghain ang mga ito ng kanilang ITR.
Gayunpaman, ang mga kumikita ng mas malaki sa nasabing halaga kada taon ay kailangang maghain ng kanilang ITR sa BIR.
“For those who have income taxes due, they can pay at authorized agent banks or through online payment options, including Gcash mobile payment, the Landbank Linkbiz portal, and DBP Tax Online,” ani Ong.
Sa Lunes, Abril 15, ang deadline sa paghahain ng ITR at dahil sa sistemang ito ng pagbabayad ng buwis ay umaasa ang mambabatas na hindi na mahihirapan ang mga tax payers.
Umapela naman ang dating chairman ng nasabing komite na si Eastern Samar Rep. Ben Evardone sa mga tax payers na magbayad ng kanilang buwis dahil kailangan ito ng gobyerno para maipatupad ang mga programa at proyektong nakakabuti sa bansa.
“Kailangan tayong magbayad ng tamang buwis dahil babalik naman sa atin yan thru public service and development,” paalala ni Evardone.
138