(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
USAP-USAPAN ngayon sa intelligence community ang tangkang pang-aarbor umano ng isang opisyal ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) para lamang pakawalan ang isang Filipino-Indian national na inaresto dahil sa pag-iingat ng matataas na kalibre ng armas at pampasabog sa Cavite City Huwebes ng hapon.
Ang suspek, kinilalang si Amith Chandiramani y Prem, 39 taong gulang, ay nadakip ng pinagsanib na pwersa ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP), Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Cavite Police Provincial Office (PPO) at Special Action Force (SAF) sa bahay nito sa Block 36, Lot 8, Phase 2, Amore Portofino St., Brgy. Salawag, ng nasabing lungsod.
Isinagawa ang operasyon dakong alas-5:20 ng hapon ng June 22 sa bisa ng search warrant (SW No. 2023-09 and 2023-08) na ipinalabas ni Judge Charito Macalintal-Sawali ng Tanauan City Regional Trial Court Branch 66.
Nabatid na may ‘intelligence report’ na natanggap ang mga awtoridad na ang suspect umano ang isa sa bigtime gun runner sa bansa.
Nakuha sa kanya ang mga sumusunod:
1. One (1) Unit 9mm BCG Prosx with SN 315267;
2. One (1) Magazine for 9mm;
3. Six (6) Pieces Live Ammunition for 9mm;
4. One (1) Unit Colt M4 Carbine 5.56mm with SN LE107231;
5. One (1) Magazine for M4 Carbine;
6. Twenty Eight (28) Pieces Live Ammunitions for M4 Carbine 5.56;
7. One (1) Magazine for M4 Carbine;
8. Twenty Eight (28) Pieces Live Ammunitions for M4 Carbine 5.56;
9. One (1) Box, containing Twenty (20) Pieces Live Ammunitions for Cal.40;
10. One (1) Box Containing Twelve (12) Pieces Live Ammunitions for Cal .40;
11. One (1) Box Containing Fifty (50) Pieces Live Ammunitions for Cal .40;
12. One (1) Box Containing Forty (40) Pieces Live Ammunitions for Cal 9mm;
13. One (1) M26 Fragmentation Grenade with Casing;
14. One (1) Unit Coppola TR-12 12GA Shotgun with serial number 112-H21YD001520 (for verification);
15. One (1) Unit STI Duty One Cal.40 Pistol with serial number KF11098 (for verification);
16. One (1) Unit Glock 21 Gen 4 Cal .45 ACP Pistol with serial number AGMH057 (for verification); at
17. One (1) Unit Glock 43 9mm Pistol with serial number AGSY091 (for verification).
Dahil sa matataas na kalibre ng baril at mga granadang nakuha sa suspek, nagsasagawa na rin ng masinsinan pang imbestigasyon ang pulisya upang mabatid kung miyembro ito ng Al Qaeda terrorist group.
Sinabi sa report na ipinadala rin sa tanggapan ni CIDG chief Gen. Romy Caramat na bukod sa search warrant, ang ginawang pagsalakay ng pulisya ay armado rin ng body cameras upang matiyak na naaayon sa itinatadhana ng batas ang naturang raid.
Batid umano ng mga awtoridad na maimpluwensiya ang suspek hanggang sa makarating sa report na isang mataas na opisyal mula sa PCSO ang tumawag kay PNP chief Gen. Benjamin Acorda, Jr., upang i-vouch ang suspek.
Katunayan, kaibigan din umano ito ni First Lady Liza Araneta Marcos, Justice Secretary Boying Remulla at marami pang matataas na opisyales ng pamahalaan.
Tinawagan umano ni Acorda si CIDG chief Caramat upang alamin ang ‘status’ ng kaso ng suspek at pinanindigang lehitimo ang naging operasyon ng mga pinagsanib na pwersa ng pamahalaan.
Bukod kay Acorda, maging ang number 2 man ng PNP na si Lt. Gen. Rhodel Sermonia, deputy chief for administration, ay tinawagan din ng PCSO official.
Ang insidenteng ito ay nagbigay ng iba’t ibang reaksyon mula sa intelligence community, higit lalo są mga ‘composite team’ na kasama sa nagsagawa ng raid sa bahay ni Amith.
Unang komento umano ay bakit kailangang makialam ang isang PCSO official, gamit pa man din ang pangalan ng First Lady at ng DOJ secretary.
Ikalawang puna ay anong mayroon sa suspek at natataranta ang PCSO official sa kanyang pagkakaaresto.
Bukod dito, karamihan sa mga kasama sa ‘composite team’ na nang-raid sa bahay ng suspek ay dismayado dahil sa halip na papurihan sila ng PCSO official, pinapalitaw na sila pang mga pulis at militar na gumaganap lamang sa tungkulin ang ginagawang masama sa mata ng publiko at sa mata ni FL Liza.
“Huwag sana kaming baligtarin dahil magkakaalaman na rito,” sabi ng isang galit na opisyal sa source.
Bukod sa mga ‘body cameras,’ binasahan din ang suspek ng ‘Miranda doctrine,’ upang ipaalam ang karapatan nitong manahimik at kumuha ng abogado.
Nakakulong ito ngayon sa Southern Police District Headquarters sa Fort Bonifacio, Taguig na kinasuhan na ng paglabag sa sa R.A. 9516 (Illegal Possession of Explosives) at Violation of R.A. 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).
“Kumpleto intel report at profile niyang suspect. Sana bago umarbor ang mga opisyales natin sa pamahalaan, alamin muna nila ang background ng inaarbor nilang suspect,” sabi ng isa sa team leader ng composite team na tumangging magpabanggit ng pangalan.
Dahil dito, maging ang ISAFP at National Intelligence Coordinating Agency (NICA) ay nakabantay na rin sa kasong ito dahil bukod sa anggulong terrorism, may anggulo ring international drug syndicate ang kanilang binubusisi lalo’t galing sa rehab center ang suspek, na kaklase umano ang kamag-anak ng PCSO official.
