5 ARESTADO SA IBA’T IBANG KASO SA MAYNILA

NASAKOTE ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) sa magkakahiwalay na operasyon ang limang indibidwal na nahaharap sa magkakaibang kaso.
Sa follow-up operation ng mga operatiba ng Lacson Police Community Precinct ng Station 4, nadakip ang suspek na si Melanio Rania, 34, miyembro ng Bahala Na Gang (BNG) at residente ng J. Marzan Street, Sampaloc, Manila matapos umanong holdapin ang 22-anyos na estudyante ng FEU.

Sa ulat ni Police Corporal Rogelio Fernandez kay Police Lieutenant Colonel Wilson Villaruel, commander ng Manila Police District – Sampaloc Police Station 4, sakay ng jeep ang biktima nang holdapin ng suspek at tinangay ang Iphone nito.

Sa follow-up operation ng tropa ni Police Staff Sergeant Walter Tuengan, nasukol ang suspek.

Samatala, arestado naman ang 45-anyos na jobless sa bisa ng warrant of arrest dahil sa kasong rape sa Morga Street, Tondo, Manila noong Biyernes ng umaga.

Kinilala ang suspek na si Renato San Juan, ng San Sebastian Street, Tondo.

Sa ulat na isinumite ni Police Captain Robert Dato, ng Warrant and Intelligence Section kay Police Lieutenant Colonel Rosalino Ibay Jr., commander ng Manila Police District – Moriones Police Station 2 , bandang alas-10:30 ng umaga nang mamataan ang suspek dahil sa “tip” ng isang impormante sa naturang lugar.

Sa Baseco Compound, Port Area, Manila naman nasakote ang tatlong hinihinalang tulak ng ilegal na droga kahapon ng madaling araw.

Kinilala ang tatlong suspek na sina Berlindo Alvarez, 32; Arnel Paler, 45; at ang target ng operasyon na si Sheryl Asistio, 47, pawang mga residente ng Barangay 649, Port Area, Manila.

Sa ulat ni Police Lieutenant Colonel Rodel Borbe, commander ng Manila Police District – Baseco Police Station 13, bandang alas-4:40 ng madaling araw nang ikasa ng kanyang mga tauhan ang buy-bust operation sa pangunguna ni Police Captain Harold Celestra, hepe ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU), sa Blk.15 – A, Baseco Compound, Brgy. 649 sa Port Area na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek.

(RENE CRISOSTOMO)

202

Related posts

Leave a Comment