IPAGBABAWAL na ang homework na ibinibigay ng mga guro kapag naipasa ang isang panukalang batas sa Kamara ukol dito, dahil wala umano itong naitutulong sa mga estudyante kundi stress lamang.
Sa House Bill (HB) 8243 “No Homework Law” na inakda ni Tutok to Win Party-list Rep. Sam Verzosa, iginiit nito na lalong hindi nakapopokus sa pag-aaral ang mga bata dahil sa tambak na homework.
“Ayon sa isang research na ginawa ng Stanford University, ang mga estudyante na babad sa homework ay mas madalas nakararanas ng stress, problema sa kalusugan at isolation sa lipunan,” ayon sa mambabatas.
May mga pag-aaral din aniya na nagsasabing ang homework ay madalas na paulit-ulit lamang at walang katuturan, isa umano ito marahil sa dahilan kung bakit below average ang mga estudyanteng Pinoy sa Intelligence quotient (IQ).
Bukod dito, nabatid sa isang pag-aaral sa mga bata sa The Netherlands na inilabas ng British Educational Resource Journal, ang mga binibigyan ng homework ay 12% lamang ang performance sa eskuwelahan na mas mababa umano kumpara sa walang inuuwing assignment.
Ipinaliwanag nito na alas-singko pa lamang ng madaling araw ay gumigising na ang mga bata para sa pagpasok dahil nagsisimula ang kanilang klase ng alas-siyete ng umaga na bitbit ang mabibigat na libro, kagamitan sa eskuwela at pag-uwi ng mga ito ay plakda na sa gutom at kapaguran.
Imbes na magpahinga aniya ay kailangang nilang asikasuhin ang tambak na homework na ibinibigay ng kanilang mga guro araw-araw, kaya nawawalan na ang mga ito ng oras para sa kanilang sarili.
“Talo pa nila ang mga nagtatrabaho. Sampung oras na sa eskuwelahan pero pag-uwi nila sa bahay ay overtime pa sa mga assignment nila. Kung ang mga nagtatrabaho ay kailangan ng sapat na pahinga, ang mga estudyante pa kaya?” ayon pa sa mambabatas.
Dahil dito, dapat aniyang ipagbawal na ang homework na hindi lamang makatutulong sa mga estudyante kundi maging sa mga guro dahil ang ibinibigay na mga assignment ay inuuwi rin nila sa kanilang bahay para i-check, na nakababawas sa oras sa kanilang pamilya.
(SIMONA JUDY F. ESTILLERO)
