7 COUPLE IKINASAL SA MANILA CITY JAIL

PITONG magkapareha ang pinag-isang dibdib sa isinagawang kasalan sa loob ng Manila City Jail sa Quezon Boulevard, Sta. Cruz, Manila.

Ang mga ikinasal ay mga kapwa inmate na may iba’t ibang mga kasong kinahaharap.

Bagama’t nakapiit, hindi naging hadlang ang rehas na bakal sa pag-iisang dibdib ng pitong persons deprive of liberty (PDLs) sa kanilang karelasyon.

Kabilang din sa ikinasal ang isang pares ng empleyado ng piitan, sa programang Kasalang Bayan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at ng Manila City Jail.

Naging saksi naman ang ibang mga PDL at mga kawani ng piitan sa kasalan na dinaluhan ng mga magulang at piling mga ninong at ninang.

Pinangunahan ni Rev. Fr. Juan B. Buban, Chief of the Chaplaincy Service Office, ang seremonya at pagbabasbas sa ikinasal na PDLs at personnel.

Binati ang mga bagong kasal ng mga opisyal ng piitan, sa pangunguna ni Jail Supt. Mirasol Vitor, katuwang ang Welfare and Development Section, na umaasang magiging banal ang idinaos na kasalan.

(RENE CRISOSTOMO)

315

Related posts

Leave a Comment