MY POINT OF BREW
HAY naku! Napakaganda pa man din ng paglunsad ng kampanya ng Department of Tourism (DOT), ang “Love the Philippines”, subalit tila naglabasan ang mga problema, wala pang isang linggo ang lumilipas.
Una ay ang puna ni Albay 2nd District Representative at magaling na ekonomista na si Joey Salceda kung bakit ang pamosong Bulkang Mayon sa kanyang lalawigan ay hindi naisama sa ipinakitang audio visual presentation o AVP noong araw sa paglunsad ng “Love the Philippines”.
May punto si Salceda dito. Napakapamoso ng Mayon Volcano. Sa katunayan, palaging kasama ang tanyag na bulkan sa mga bagay na inilalarawan ang Pilipinas. Dati ay kasama ang nasabing bulkan sa mga dating barya natin. Ipinagmamayabang din ang Mayon Volcano sa kanyang hugis. “Perfect cone” ika nga sa wikang Ingles, sa paglalarawan ng Bulkang Mayon.
Nagpaliwanag si DOT Sec. Christina Frasco sa kuwestyon ni Rep. Salceda. Tulad ng tema ng bagong tourism campaign ng kanyang ahensya, ito ay tungkol sa ‘love’. Kaya naman ipinaaabot ni Frasco ang kanyang ‘love’ kay Salceda at nagsabi na umpisa lamang ito ng kampanya upang lumakas ang turismo ng ating bansa. Kasama na rito ang pagtatampok ng kilalang tourist spots sa ating bansa, kasama na rito ang Mayon Volcano.
Alam ko na hindi kumbisido si Salceda sa paliwanag ni Frasco. Ngunit nilawakan niya ang kanyang pag-unawa alang-alang sa ating bansa.
But wait, there’s more! Biglang may naglabas sa social media na sinasabing ang mga ginamit na video sa AVP ng ‘Love the Philippines’ ay hindi dito sa Pilipinas. Ha?! Anyare???
Ayon kay Sass Rogando Sasot, ang mga ginamit na video ay kuha mula sa mga bansang Thailand, Indonesia, Dubai at Switzerland. May mga link pa siyang isinama bilang pagpapatunay na ang mga video na ito ay hindi mula sa ating bansa.
Naglabas ng pahayag ang DOT at isinisi agad ang kapalpakan sa kinuha nilang advertising agency na DDB Philippines. Para sa kaalaman ng lahat, ang DDB ay isang global advertising agency. Ang ibig sabihin ng DDB ay Doyle, Dane and Bernbach. Sila ang nagsimula nitong ahensyang ito. Lumaki at nagkaroon ng global reputation na isa sa magagaling sa industriya ng advertising.
Ang DDB Philippines ay pinatatakbo ng mga Pilipino at hindi mga banyaga. Ang namumuno dito ay si Gil Chua, isang haligi ng advertising sa ating bansa. Kaya nakapagtataka kung bakit nagkaroon ng ganitong kaguluhan. Kilala ang DDB Philippines bilang isang malaki at professional ad agency.
Sa palagay ko, may mas malalim na dahilan kung bakit nakalusot ang mga foreign video na ginamit sa AVP ng ‘Love the Philippines’. Ayon sa pahayag ng DDB Philippines, inaako nila ang kasalanan sa pagkakamali na ito. Subalit ipinaliwanag nila na ang nasabing AVP ay para lamang sa paglunsad ng kampanya at hindi ito ang opisyal na ad material na gagamitin upang ipadala sa iba’t ibang bansa at i-promote ang Pilipinas.
Subalit nang ito ay lumabas sa social media at ibinunyag ang mga maling video na ginamit, ang pakiwari ng nakararami ay ito na ang opisyal na video ng DOT para sa kanilang tourism campaign. Hindi po.
Ang nakatatawa ay ilang beses na nangyari ito. Hindi lamang sa Pilipinas , kundi sa ibang mga bansa rin. Natatandaan pa ba ninyo noong 2010 ang “Pilipinas Kay Ganda” campaign ng DOT? Ang logo na ginamit ay hawig na hawig at tila kinopya sa tourism campaign ng Poland. Sumunod ang “It’s More Fun in the Philippines” noong 2012 kung saan lumabas na ginamit na ang nasabing campaign slogan noong 1953 ng Switzerland na “It’s more fun in Switzerland”. Noong 2017 nabatikos din ang DOT sa kanilang slogan na “Experience the Philippines” kung saan gumamit sila ng isang retiradong Hapon na nag-ngangalang Uchimura na nanirahan na sa ating bansa. Sinabi niya na magaganda ang tanawin ng ating bansa kaya nagdesisyon siya na manirahan dito. Nalaman kinalaunan na itong si Uchimura ay bulag pala. Kaya nagtanong ang mga tao, ano ang nakita niya?
Sa ibang bansa, noong 2016 ang bansang Lithuania ay naglunsad ng kanilang tourism campaign. Ang slogan nila ay “Real is Beautiful”, subalit ang mga ginamit nilang video ay nanggaling sa bansang Norway at iba pang east European na mga bansa. Nang ito ay mabuking, nagbitiw sa puwesto ang pinuno ng kanilang Department of Tourism.
Noong 2019, ang Australia ay napilitan na ayusin at baguhin ang kanilang opisyal na ad campaign material sa kanilang “Undiscovered Australia”. Napansin kasi na ang magandang paglubog ng araw ay binaliktad. Imbes na sa kanluran ang paglubog ng araw, ito ay nasa silangan. Sa madalit salita ay ginawa ang video ng madaling araw.
Ano ang leksyon na mapupulot natin dito? Dapat ay mapagmasid tayo sa ating mga trabaho. Usisain nang mabuti. Sa dako ng DOT, ilang beses na nangyari ito. Paano ito nakalusot? Propesyonal ang DDB Philippines. Marami silang napanalunan na awards sa industriya ng advertising sa ating bansa. Kaya nagtataka ako kung bakit ganito ang nangyari. Sa aking pagkakakilala sa DDB Philippines, hindi ganito ang kalidad at lebel ng kanilang trabaho. Meron kayang ibang tunay na dahilan na hindi natin alam? Ginawa kayang ‘sacrificial lamb’ ang DDB sa mas malalim na kapalpakan sa DOT? Nagtatanong lang po.
