PBBM, SOLONS PATULOY NA NAGTITIWALA KAY TOURISM SEC. CRISTINA FRASCO

TARGET NI KA REX CAYANONG

HINDI maitatanggi na ang turismo ay napakahalaga sa ekonomiya ng bansa.

Bukod kasi sa salaping ipinapasok ng mga turista, ito ay nagbibigay ng hanapbuhay sa mga lokal na mamamayan natin sa industriya ng serbisyo, kasama na rito ang mga sistema ng transportasyon – himpapawid, riles, kalye, pantubig at kalawakan o airport.

Kasama rin sa mga sangkap ng turismo ang pagkain at inumin, paglilibot, mga souvenir, at iba pang kaugnay na serbisyo katulad ng pagbabangko at iba pa.

Bunga ng kahalagahan ng turismo sa ekonomiya ng isang bansa, ang ating pamahalaan ay gumagastos ng malaking halaga sa advertisement sa ibang bansa.

Sa ganitong paraan kasi ay naitataguyod ang ating bansa bansa upang dayuhin ng mga turista.

Siyempre, tinitingnan ng mga turista ang magagandang atraksiyon, seguridad ng bansa mula sa mga krimen at masasamang elemento gaya ng mga scam at marami pang iba.

Inaalam din nila kung ang bansa ay mura ang mga bilihin o serbisyo, kung ito ay malinis at madaling paglakbayan, gayundin mula sa mga komento o karanasan ng nakaraang mga turista sa isang bansa o reviews.

Kamakailan, naharap sa kontrobersiya ang “Love the Philippines” promotional video ng Department of Tourism (DOT) dahil hindi raw orihinal ang ilang parte nito.

Sa kabila ng sumablay na tourism ad, nananatiling may tiwala at kumpiyansa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay Tourism Secretary Cristina Frasco dahil agad nga namang kinansela ng ale ang kontrata ng nasangkot na ad agency habang nire-review naman ang iba pa.

Pinuri rin si Frasco ng ilang solons gaya ni Aklan 2nd District Rep. Teodorico Haresco, Jr., sa maraming mga nagawa raw nito para palakasin ang turismo ng bansa.

Patunay nga naman daw dito ang pagkamit sa target tourist arrivals kung saan noong 2022, nalampasan ng bansa ang 1.7 milyong target nito sa pagtatapos ng taon na may 2.65 milyong international visitor arrivals, o katumbas ng P208.96 billion o USD 3.68 billion na kita sa turismo.

Nakapagtala naman ang DOT ng 2,029,419 kabuuang foreign tourist arrivals hanggang noong May 15, 2023.

Sinasabing sa isla pa lamang ng Boracay, hanggang nitong June 17, ay 1,040,847 turista na ang bumisita, (199,098 foreign visitors; 816,426 local tourists, 25,323 overseas Filipino workers)

Aba’y nakatanggap pa ang DOT ng international recognition at awards, kabilang na rito ang pagkakasama ng Pilipinas sa Asia category ng 30th World Travel Awards (WTA).

Kaya patuloy nating isulong ang tourism campaign na “Love the Philippines” at tiwala tayo na magtatagumpay ito kalaunan.

Mabuhay po kayo, mga bossing, at God bless!

143

Related posts

Leave a Comment