NAGPALABAS na ng kautusan si Manila Police Director , Police Brigadier General Andre Perez Dizon kay Police Lieutenant Colonel Wilson Villaruel, commander ng Sampaloc Police Station 4, para sa manhunt operation laban sa limang miyembro ng District Police Intelligence Operation Unit (DPIOU) na umano’y sangkot sa robbery extortion sa isang computer shop sa panulukan ng Matumyas at Susan Streets, Barangay 52, Sampaloc, Manila.
Ayon kay Police Major Philipp Ines ng Public Information Office (PIO), iniutos ng heneral na iharap sa kanya ang limang tauhan ng DPIOU at ang isang sibilyan.
Nabatid na bumuo na ng Special Investigation Team na magiging katuwang sa pag-aresto sa mga suspek.
Matatandaan, dakong 11:20 ng gabi noong Hulyo 11, nang magtungo sa lugar ang mga operatiba na pawang naka-civilian clothes at armado ng baril, at pumasok sa isang computer shop na pag-aari ng isang Herminigildo Dela Cruz y Mateo, 73-anyos.
Sinabihan umano ang may-ari ng shop na may ilegal itong pasugalan. Upang hindi arestuhin, kailangang magbigay umano ito ng halagang P40,000.
Bukod dito, kinailangang kada Biyernes ay dapat din itong magbigay ng halagang P4,000.
Kinulimbat din umano ng grupo ang P3,500 cash na galing sa counter table at isang 500 GB hard disk drive na naglalaman ng CCTV footages, bago umalis ang limang pulis.
Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong kriminal at administratibo.
“The MPD is committed to further step-up on the campaign against rogues in uniform and the intensified implementation of Internal Cleansing Program of the PNP. We will not tolerate any illegal activity of our policemen. Rest assured that the MPD will properly act with due process on all complaints against erring police personnel,” pahayag ni General Dizon.
(RENE CRISOSTOMO)
