1 PATAY KAY ‘EGAY’

INIULAT ni NDRRMC Deputy Spokesperson Diego Mariano na may isang residente mula sa Cardona, Rizal ang hinihinalang nasawi sa flashflood.

May naiulat din na dalawang nasaktan sa CALABARZON at Region 6 kaugnay ng walang patid na buhos ng ulan dala ng Bagyong Egay.

Umakyat na sa 44,356 pamilya o 180,439 indibidwal ang naaapektuhan ng bagyo mula sa 261 barangay sa Regions 1, 3, CALABARZON, MIMAROPA, 5, 6, 10 at 12.

Kaugnay nito, ipinag-utos na ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) na magsagawa ng rapid assessment ang mga local government unit particular ang mga sinalanta ng Super Typhoon Egay at Southwest Monsoon o Habagat.

Ayon kay Defense Secretary Gilberto Teodoro na siya ring National Chairman ng NDRRMC, inutos niya na magsagawa ng rapid assessment ang mga LGU at kanilang disaster management office upang magkaroon ng kabuuang larawan hinggil sa naging pinsala ng bagyo.

Pinangunahan kahapon ni Sec. Teodoro ang isinagawang emergency meeting sa NDRRMC na dinaluhan din ni Interior and Local Government Secretary Atty. Benjamin Abalos Jr., Menardo Guevarra ng Office of Malacanang at Armed Forces of the Philippines.

Layunin ng pagpupulong na makakuha ang inisyal na damages assessment at alamin kung ano ng mga tulong ang naipamahagi at kailangan pang iparating sa taong bayan.

Sinabi pa ni Teodoro na kailangan nila ng coordinated action dahil nasa period of immediate response ang gobyerno. Kailangan din aniyang mabilis na maibalik ang basic services sa mga tao.

Samantala, nakahanda ang mga tauhan at kagamitan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na tumugon sa anomang emergency o epekto ng Bagyong Egay.
Ito ang tiniyak ni AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr., kasunod ng pananalasa ng bagyo sa Babuyan Islands at Cagayan kahapon.

Bilang paghahanda, pinakilos ang mga tropa at kagamitan ng 525th Engineer Combat Battalion (525 ECBn) ng 51st Engineer Brigade (51EBde).

Kumpleto rin ang mga tropa sa Disaster Response Operations TEAs (Tools, Equipment, Accessories) para sa posibleng deployment upang tulungan ang mga stranded na pasahero at magsagawa ng rescue, relief at clearing operations sa mga lugar na apektado ng bagyo.

(JESSE KABEL RUIZ)

306

Related posts

Leave a Comment