CAMP SIONGCO, Awang, DOS, Maguindanao del Norte – Ikinagalak ng pamunuan ng 601st Infantry (Unifier) Brigade ang pagsuko ng loose firearms mula sa mga residente ng bayan ng Talitay.
Ayon kay Brigadier General Oriel Pangcog, commander ng 601st Brigade, ang hakbang na ito ng LGU ay malaking tulong upang mabawasan ang mga instrumento ng karahasan na isa sa mga hadlang upang mapaunlad ang bayan.
Ito ang pahayag ng brigade commander matapos ang isinagawang ‘Balik-Baril Program’ sa Municipal Hall ng Brgy. Poblacion, Talitay, Maguindanao del Norte noong ika-25 ng Hulyo.
Kabilang sa isinukong mga baril ay ang mga sumusunod: apat na GL, 40mm; isang cal .30 M1 Garand rifle, isang Sniper, cal .30 Barrett type, at dalawang 7.62mm Sniper type rifle. Bukod pa ito sa tatlong RPG launcher at mga bala nito.
Ang nasabing mga baril ay mula sa siyam na mga barangay ng bayan, na boluntaryong isinuko kay Lt. Col. Tristram Tolentino, ang commander ng 2nd Mechanized Battalion.
Pinangunahan naman ni Hon. Sidik Amiril, ang alkalde ng bayan ng Talitay, ang ‘Balik-Baril Program’ na pormal namang tinanggap ni Brig. Gen. Pangcog, kasama si Police Cpt. Joel Albao, hepe ng Talitay PNP.
Agad na pinuri ni Major General Alex S. Rillera, commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central, ang mga residente kasama na ang pamahalaang lokal ng Talitay, sa inisyatibang ito upang matanggal sa kamay ng mga hindi awtorisadong tao ang pagdadala ng instrumento ng karahasan.
“Ang pinalakas na kampanya natin laban sa paglaganap ng loose firearms ay pagpapatunay ng lubusang pagsuporta natin sa mga mabubuting adhikain ng administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos kabilang ang paglansag sa mga instrumento ng karahasan.
Alam naman natin na ang bawat isang baril na napunta sa kamay ng isang hindi awtorisadong tao ay maaaring magdulot ng karahasan at pagkawala ng buhay ng inosenteng mamamayan. Kaya ang inyong kasundaluhan kasama ang kapulisan at mga namumuno sa pamayanan, ay patuloy na nagsusumikap na ubusin ang mga tools of violence na ito” wika pa ni Maj. Gen. Rillera.
(JESSE KABEL RUIZ)
