18 PNP SENIOR OFFICERS, TULUYANG SINIBAK

TULUYAN nang sinibak sa serbisyo ang 18 senior police officers na kabilang sa 954 third level officers na naghain ng kanilang courtesy resignation, matapos na pirmahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang kanilang pagbibitiw sa tungkulin.

Ito ay matapos na makipagpulong si Philippine National Police (PNP) Chief P/Gen. Benjamin Acorda Jr. kay Pangulong Marcos hinggil sa mga inihaing courtesy resignation.

Sinabi ng pinuno ng Pambansang Pulisya, ipatutupad na nila ang courtesy resignation ng 18 opisyal na idinadawit sa ilegal na droga.

Ayon kay Acorda, nagpulong na sila ni Pangulong Marcos Jr. kaugnay sa courtesy resignations at dito ay tinanggap ng heneral ang mga dokumento na nilagdaan mismo ng pangulo.

Dahil may lagda na ng pangulo, tuluyan nang aalisin sa serbisyo ang 18 pulis na limitadong benepisyo lamang ang matatanggap, ani Acorda,

Magugunitang nitong nakalipas na linggo ay tinanggap ni BBM ang pagbibitiw ng 18 police brigadier generals at colonels batay sa rekomendasyon ng National Police Commission Ad Hoc Advisory Group na nag-imbestiga sa kanila.

Ito’y matapos ihayag ni Pangulong Marcos sa kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA) na kanyang tatanggapin ang resignation ng tiwaling law enforcers at iba pang sangkot sa kalakalan ng ilegal na droga.

Ipinaalam ni Acorda kay Pangulong Marcos sa pamamagitan ng isang liham, ang isinagawang imbestigasyon ng Ad Hoc Advisory Group kaugnay sa pagkakasangkot ng third level officers sa ilegal na droga.

Sa 954 pulis na inimbestigahan, hinimok ng grupo si Pangulong Marcos na tanggapin ang pagbibitiw ng 18 police officers.

Sa isang ambush interview noong Martes, sinabi ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos na sisibakin sa serbisyo ang 18 police officers oras na maglabas ng official letter ang tanggapan ni Pangulong Marcos na nagsasaad na tinanggap na ang pagbibitiw ng mga ito. (JESSE KABEL RUIZ)

199

Related posts

Leave a Comment