(NI JEDI PIA REYES)
IPINAGHARAP ng reklamo ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa Commission on Elections (Comelec) ang 52 opisyal ng barangay na nasasangkot umano sa partisan political activities.
Ayon kay DILG Undersecretary Epimaco Densing III, ang mga inireklamo ay ang mga opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan na aktibong nangangampanya para sa mga kandidato ng halalan sa Mayo 13.
“Ito ay transmittal of complaints galing sa ating mga kababayan na laban mga barangay captain to [Sangguniang Kabataan] officials na nakikisali nang lantaran sa kampanya starting last March 29,” ayon kay Densing.
“Fifty-two lang ito from all over the Philippines. May Misamis Oriental, may Cavite, may Taguig, Cavite, Bulacan, Quezon City, Caloocan,” dagdag pa nito.
Diin ni Densing, tanging ang Presidente, Bise Presidente, at iba pang elected official, maliban sa mga opisyal ng barangay, ang pinapayagang makilahok sa partisan politics alinsunod sa joint memorandum ng Comelec at Civil Service Commission (CSC).
“May joint memorandum ang Comelec, Civil Service Commission na 001-2016 na dine-define na tinatawag na political offices at pino-prohibit ang mga civil servants na magkampanya during elections,” paliwanag pa ni Densing.
Sinabi pa ni Densing na mayroon silang natanggap na 700 sumbong ngunit inuna na nilang maghain ng reklamo sa 52 barangay at SK officials habang nagpapatuloy pa ang kanilang beripikasyon.
“Hindi ko alam kung aabutin ang 700 but we will file cases as many as we can,” diin pa ng opisyal.
130