INIHAYAG ng pamahalaang lungsod na kailangang limitahan ang pagtanggap ng mga pasyente sa Navotas City Hospital (NCH) simula Setyembre 11 hanggang 30.
Ayon sa City Hall sa pangunguna ni Mayor Toby Tiangco, may mga kawani na apektado ng COVID-19 at kailangang mag-quarantine o mag-isolate.
Humihingi ng pasensya ang City Hall sa anomang abalang maidudulot ng pansamantalang limitasyon ng pagtanggap ng mga pasyente ng nasabing ospital.
Kasabay nito ang pakiusap sa lahat na humanap muna ng ibang mapupuntahang ospital habang kulang ang staff sa NCH.
Samantala, nakapagtala ng tatlong namatay sa COVID-19 ang Malabon City noong Setyembre 11 habang 109 ang nadagdag na confirmed cases, ayon sa City Health Department.
Sa kabuuan ay nasa 18,820 ang positive cases sa lungsod, 1,004 dito ang active cases. Umakyat naman sa 580 ang COVID death toll sa lungsod.
Habang 155 pasyente ang nadagdag sa bilang ng mga gumaling at sa kabuuan ay 17,236 ang recovered patients ng siyudad.
Isang COVID patient naman ang binawian ng buhay sa Valenzuela City noong Setyembre 11 habang umakyat sa 1,967 ang active cases matapos na 340 ang magpositibo sa virus at 294 naman ang gumaling.
Sumampa na sa 29,905 ang nasapul ng pandemya sa lungsod, at sa nasabing bilang ay 27,266 na ang gumaling habang 672 ang namatay.
Walang iniulat na binawian ng buhay sa lungsod ng Navotas dahil sa pandemya habang 1,812 ang active cases hanggang 11 :59 pm noong Setyembre 10 matapos na 129 ang nagpositibo sa virus at 205 naman ang gumaling.
Umabot na sa 15,935 ang tinamaan ng COVID sa lungsod, at sa naturang bilang ay 13,649 na ang gumaling at 474 ang namatay.
Wala pang inilalabas na COVID-19 cases update ang Caloocan City habang isinusulat ito. (ALAIN AJERO)
