(NI HARVEY PEREZ)
GUILTY sa kasong obstruction of justice ng Manila Metropolitan Trial Court Branch 14, ang isang miyembro ng Aegis Juris Fraternity kaugnay sa pagkamatay sa hazing ng University of Sto.Tomas (UST) freshman student na si Horacio “Atio”Castillo III noong Setyembre 17, 2017.
Nabatid sa 27- pahinang desisyon ni MMTC Judge Carolina Esguerra, ng Branch 14, si John Paul Solano ay hinatulan ng hanggang apat na taon, dalawang buwan at isang araw na pagkabilanggo dahil sa kasong obstruction of justice.
Gayunman, inabsuwelto si Solano sa kasong perjury matapos kakitaan ng ‘inconsistecies” ang mga pahayag ng police officers na lumagda sa kanyang judicial affidavit.
Matatandaan na si Solano ang nagsugod kay Castillo sa Chinese General Hospital noong Setyembre 17, 2017.
Sa kanyang mga naunang pahayag sa pulisya, sinabi nito na hindi niya kilala si Castillo at natagpuan lamang niya itong nakahandusay sa Tondo, Maynila, kaya’t isinugod sa pagamutan.
Gayunman , kalaunan ay nadiskubreng nagsisinungaling si Solano nang matuklasan ng mga pulis na magkasama sila sa frat group ng biktima, at matapos na pabulaanan ng mga lokal na opisyal na hindi sa kanilang lugar nadiskubre ang katawan ng hazing victim.
Inamin din ni Solano kalaunan na wala siya sa frat library nang isagawa ang hazing kay Castillo pero tinawagan siya ng kanyang mga kasamahan para isugod sa pagamutan ang biktima.
Si Solano rin ang kauna-unang Aegis Juris na nahatulan ng korte, kaugnay sa kaso ni Castillo habang dinidinig pa ang kasong homicide at paglabag sa hazing law na isinampa laban sa 10 pang miyembro ng fraternity.
Sinabi naman ng ina ni Castillo na si Carmina, pinag-aaralan pa nila ang pagsasampa ng iba pang mga kaso laban sa iba pang frat member ,kabilang na ang miyembro na nasa group chat kung saan pinag-uusapan nila kung papaano ikukubli ang krimen.
“We have a first conviction,obstruction. At least totoo yung sinasabi naming. Napatunayan na talagang may sala sila sa obstruction. They concealed,” ayon kay Carmina.
