NANAWAGAN si Senator Mark Villar na magkaroon ng isang holistiko at matibay na tugon sa pamamagitan ng lehislasyon laban sa krisis sa rabies sa bansa.
Sa kanyang privilege speech kaugnay ng Rabies Awareness Month, binigyang-diin ng mambabatas ang pagtugon higit pa sa pagpapalaganap ng kaalaman, tungo sa kongkretong solusyong medikal at beterinaryo.
Ibinahagi ni Villar ang nakapanlulumong kuwento ni Jamaica Seraspe, isang batang estudyante na pumanaw matapos makagat ng asong gala. Ayon sa senador, “kinakatawan niya ang isang kritikal na puwang sa pampublikong kalusugan kung saan ang agarang atensyong medikal at pagbabakuna sa hayop ay maaaring nakapagsalba ng buhay.”
Sa kabila ng 65% pagbaba ng kaso ngayong taon, nananatiling mataas ang insidente ng rabies sa Pilipinas. Pang-anim ang bansa sa buong mundo sa dami ng kaso ng rabies, at nakararanas ng kakulangan sa suportang pangkalusugan para sa mga insidenteng may kinalaman dito, gayundin sa pagmamanman ng pagbabakuna sa mga hayop.
Upang matugunan ang ugat ng problema, muling iginiit ni Villar ang kanyang mga panukalang batas na tumutugon sa magkakaugnay na isyu hinggil sa mga hayop. Una, ang Senate Bill No. 255 o Animal Medical Center Act, na mag-uutos ng pagtatayo ng mga beterinaryong klinika sa bawat lungsod at munisipalidad upang magbigay ng abot-kayang bakuna at serbisyong pangkalusugan, at matiyak na may lokal na akses ang mga magsasaka at pet owners sa preventive care. Ikalawa, ang Senate Bill No. 591 o Stray Animal Adoption Incentives, na layong pamahalaan ang tinatayang 13.11 milyong asong gala sa bansa sa pamamagitan ng pagbibigay-insentibo sa pag-aampon, pagpapababa ng bilang ng posibleng tagapagdala ng rabies, at pagsusulong ng kapakanan ng hayop.
Tinalakay rin sa talumpati ang kanyang personal na adbokasiya, kabilang ang matagumpay niyang pag-ampon ng mga asong sina Hay at Jill mula sa PAWSsion Project. Binigyang-diin din ni Villar na bagamat dapat magbigay ng bakuna ang pamahalaan, may pananagutan din ang mga may-ari ng alagang hayop.
“Ilang kabataan na tulad ni Jamaica pa ba ang babawian ng buhay dahil walang sapat na akses sa lunas? Kung ang asong nakakagat kay Jamaica ay nabakunahan lamang, marahil ay buhay pa siya ngayon,” diin ni Villar.
Umaasa si Senator Villar na kikilos ang Senado sa agarang usaping ito tungkol sa rabies. Aniya, napapanahon na ang konkretong hakbang sa lehislatura upang palakasin ang kapakanan ng hayop, paghusayin ang proteksyon sa pampublikong kalusugan, at maiwasan ang pagkawala ng buhay ng tao at hayop.
(Danny Bacolod)
122 