KUMPISKADO sa mga alistong kawani ng Bureau of Customs (BOC) ang nasa P124-milyong halaga ng mga agricultural products na tinangkang ipuslit mula sa bansang China.
Sa isang kalatas ng BOC, timbog ang dalawang kargamento base sa timbre ng isang impormante sa Customs Intelligence and Investigation Services (CIIS) ng BOC.
Unang natimbog ng CIIS, kasama ang mga operatiba ng BOC Intelligence Group ang nasa P75-milyong halaga ng kontrabandong nakapangalan sa Daniry Consumer Goods Trading. Sa paunang imbestigasyon, lumalabas na mga botyang pato at karneng manok ang laman ng kargamentong idineklarang “hot pot balls.”
Hagip din sa hiwalay na operasyon kontra smugglers ang kargamentong naglalaman ng hindi bababa sa P49-milyong halaga ng botyang karne ng baboy at manok na nakatala naman sa pangalan ng Jeroce Consumer Goods Trading.
“Derogatory information received by Intelligence Group and Customs Intelligence and Investigation Services (CIIS) that above-mentioned shipments were suspected to contain misdeclared agricultural products,” ayon kay CIIS Director Jeoffrey Tacio.
Nakatakda namang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 10863 (Customs Modernization and Tariff Act) ang mga nakalagda sa mga dokumentong kalakip ng nabulilyasong kontrabando.
Una nang nagbabala si incoming President Ferdinand Marcos Jr. na kanyang pananagutin ang mga tiwaling mapapatunayang nakikipagsabwatan at nagbibigay proteksyon sa mga sindikato sa likod ng kabi-kabilang agri-smuggling.
Pahayag ni Marcos Jr., siya mismo ang uupo sa Department of Agriculture (DA) sa hangaring tuluyan nang tuldukan ang agri-smuggling na aniya’y pumapatay sa industriya ng agrikultura sa bansa.
