AKAP IGINAGAPANG NA MAPONDOHAN?

PUNA ni JOEL O. AMONGO

MAY mga kongresista na naman na nais malagyan ng pondo sa 2026 General Appropriations Bills (GAB) ang Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP). Ay naku, talaga nga naman, hindi nagsasawa, gagawa at gagawa talaga ng paraan para makalusot!

Kahit hindi kasama sa 2026 National Expenditure Program (NEP) ang AKAP ay mayroon pa rin talagang nagbabakasakali na malagyan ito ng pondo, alam na kung bakit may nagpupumilit dahil nagagamit nila ito sa pamumulitika.

Nitong katatapos na eleksyon ay nagamit ng mga politiko ang AKAP sa kanilang pangangampanya na sinasabi nila na kung hindi dahil sa kanila ay hindi makatatanggap ang mga tao ng ayuda mula sa AKAP.

Isang kongresista rin ang nagsabi na may kapwa siyang mambabatas na nais mapondohan sa 2026 general appropriations bills ang AKAP.

Sinasabi na kung pwede raw tingnan ‘yung pondo ng AKAP, ibig sabihin ay malagyan ng pera kasi nakatutulong nga raw ito sa kani-kanilang constituents. Baliktad ata, baka nakatutulong sa kanilang pamumulitika na ipinangangalandakan pa nila na kung hindi dahil sa kanila ay wala ang ayuda.

Hindi nagiging patas ang labanan tuwing eleksyon, ‘yung mga nakaupo ay may AKAP, at TUPAD na nagagamit sa kanilang pangangampanya, samantala ang kanilang kalaban na baguhan sa pulitika ay walang nagagamit na pondo mula sa gobyerno. Kaya tama lang na ipatigil ito.

Kamakailan, sinabi ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman, na hindi nilagyan ng pondo sa isinumiteng NEP sa Kamara noong nakaraang linggo, ang AKAP.

Pag-uusapan umano ang nasabing programa lalo na’t prerogatibo aniya ng Mababang Kapulungan kung ano ang kanilang desisyon sa NEP at ang kagustuhan aniya ng mayorya ang masusunod.

Magugunitang sa 2025 NEP, wala ring pondo para sa AKAP subalit nagkaroon ito ng P26.7 billion sa 2025 General Appropriations Act para matulungan umano ang Filipino workers na kapos ang kinikita.

Naging kontrobersyal ang programang ito dahil kasama ito sa mga ipinamudmod sa gitna ng kampanya noong nakaraang 2025 mid-term election kasama ang Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) na nasa ilalim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Hindi pa nga natatapos ang isyu ng ilang kongresista umano na nadadawit sa flood control projects, mayroon na namang panibagong usapin sa pondo na tila nagagamit sa pamumulitika.

Dapat na mahubaran ng maskara kung sino man sa mga elected official ang nadadawit sa katiwalian sa flood control projects.

Buhay at ari-arian ng mga Pilipino ang nawawala at sinisira sa tuwing may tumatamang masamang panahon sa bansa na naging dahilan ng mga pagbaha, kaya dapat nabibigyan ng mabigat ng parusa ang mga nasa likod ng katiwaliang ito.

‘Yan ay kung sinsero talaga ang gobyerno na masawata ang korupsyon sa pamahalaan, sobra-sobra na ang katiwalian kaya dapat matuldukan na ito.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email sa operarioj45@gmail.com.

50

Related posts

Leave a Comment