AT YOUR SERVICE ni KA FRANCIS
MAGSASAGAWA ng fraud audit sa flood control projects sa Bulacan ang Commission on Audit (COA) para papanagutin ang mga responsable sa pumapalpak na mga proyekto sa nasabing lalawigan.
Ipinag-utos ni Commission on Audit (COA) chairperson Gamaliel Cordoba, ang pagsasagawa ng fraud audit sa flood control projects sa Bulacan, bilang pagsunod na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na imbestigahan ang umano’y iregularidad sa flood control program ng pamahalaan, lalo na ngayong panahon ng habagat kung saan patuloy ang pagbaha na nagdudulot ng matinding abala sa pamumuhay at paglikas ng mga apektadong pamilya.
Sa memorandum na inilabas noong nakaraang Martes, binigyang-diin ni Cordoba na dahil sa seryosong isyung binanggit ng Pangulo hinggil sa pagpapatupad ng mga proyektong ito, partikular sa Bulacan, ang fraud audit ay isang agarang pangangailangan.
Sakop ng audit ang mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Bulacan, isang lugar na madalas bahain sa kabila ng halos P44 bilyon na inilaan ng gobyerno, ang pinakamalaking tipak sa buong Region 3 o 45% ng kabuuang pondo.
Sa kabuuan, nakatanggap ang Central Luzon ng P98 bilyon mula Hulyo 1, 2022 hanggang Mayo 30, 2025, katumbas ng 18% ng kabuuang P548 bilyon na pondo para sa flood control projects sa buong bansa.
Inutusan din ni Cordoba ang lahat ng supervising auditor at audit team leader sa mga DPWH District Engineering Office sa Region 3 na agad isumite ang lahat ng kaugnay na dokumento para sa pagsasagawa ng fraud audit.
Ipinag-utos din niya na manatiling available ang mga opisyal upang makipagtulungan sa audit teams anomang oras.
Kamakailan, inilunsad ng Pangulo ang “Sumbong sa Pangulo” website kung saan maaaring i-report ng publiko ang mga posibleng anomalya sa mga flood control project. Sa kanyang pagbisita sa Calumpit, Bulacan nitong Linggo, nakita mismo ng Pangulo ang isang proyekto sa ilog na idineklarang tapos na sa mga opisyal na ulat ngunit malinaw na hindi pa pala kompleto.
Nauna rito, bago pa ang isinagawang eleksyon ay hinanap ni dating Executive Secretary Atty. Vic Rodriguez kung saan napunta ang 5,500 projects na pinondohan ng bilyun-bilyong piso ng gobyerno.
Naungkat ang isyung ito sa flood control projects matapos bahain ang iba’t ibang lugar sa bansa dahil sa sunod-sunod na pagtama ng mga bagyo at habagat.
Sa pinakahuling State of the Nation Address (SONA) ni PBBM, binanggit niya ang isyu ng flood control projects na naging walang silbi sa mga pagbaha sa bansa.
Nangako naman si DPWH Secretary Manuel Bonoan na maglalabas siya ng listahan ng mga kontraktor ng flood control projects.
oOo
Para sa inyong katanungan, maaari po kayong mag-text sa cell# 0917-861-0106.
